Pinadalhan na umano ng surrender feelers ang dalawa sa tatlong at-large na opisyal ng Sunwest Construction and Development na sangkot sa maanomalyang flood control projects, ayon sa Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG).
Sa isinagawang press conference nitong Lunes, Disyembre 1, sinabi PNP-CIDG Acting Director Police Major General Robert Alexander Morico II na patuloy umano ang pagtugis sa tatlong opisyal bagama’t dalawa sa mga ito ay naghayag na ng pagsuko.
"Sa tatlo ongoing ang manhunt operations although two of them are sending surrender feelers,” aniya.
Dagdag pa ni Morico II, “We must understand na 'yong tatlong hinahanap sa local ay mataas ang posisyon nila sa company na iyon but dummy lang so basically they do not have the money and capacity to pay for a lawyer.”
Ayon sa PNP-CIDG director, pamilya mismo ng dalawang opisyal ang nakipag-ugnayan sa mga awtoridad hinggil dito.
"May back channel po sa amin, siyempre wala silang personal na abogado and apparently parang napabayaan so they are afraid also. I think 'yong credibility ng CIDG is well established na igagalang namin ang karapatan nila that's why certain kamag-anak ang nagpadala ng ano na they are willing [to surrender] in time.
Ngunit hindi na raw makapaghihintay pa ang CIDG sa dalawa dahil may nakasilbi nang arrest warrant laban sa mga ito. Hindi naman nila pinangalanan kung sino sa tatlong naghayag ng pagsuko.
Matatandaang tumungo ang CIDG kasama ang National Bureau of Investigation (NBI) sa isang hotel sa Pasay kamakailan para isyuhan ng warrant of arrest sina Consuelo Dayto Adon, Anthony Li Ngo, at Noel Yap Cao na pare-parehong miyembro ng board of directors ng Sunwest.