May patutsada si dating Gabriela Partylist Rep. Liza Maza sa pagkakatatag ng Independent Commission for Infrastructure (ICI).
Sa eksklusibong panayam ng Balita kay Maza, iginiit niyang tila pinagtatakpan lamang umano ng ICI ang mga alegasyong ibinabato sa Palasyo, kaugnay ng malawakang korapsyon sa maanomalyang flood control projects.
“Palagay ko walang choice… They are doing all the efforts para mailihis lahat sa kanila, lalo na sa Malacañang, itong isyu ng korapsyon,” saad ni Masa.
Dagdag pa niya, “Halimbawa, itong ICI, nakikita na natin. Parang criniate lang ata ito para pagtakpan mismo yung Malacañang.”
Kaugnay naman ng sama-sama pa ring pagkilos ng taumbayan upang mapanagot ang mga kurap, isang hamon ang iginiit ni Masa.
“Mapapalakas natin ang people power, kung mas magkakaroon tayo ng say, kung ano ang magiging outcome ng laban na ito, na sa atin nakasalalay. At sa palagay ko naman sa nakikita ko ngayon sa mga kabataan na namumulat na,” anang dating mambabatas.
Matatandaang nahaharap sa mga alegasyon ang Palasyo matapos pangalanan ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co sina Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., at dating Executive Secretary Lucas Bersamin na pawang mga konektado umano sa isyu ng budget insertions.
Samantala, kaugnay ng mga panawagan nang pagbaba sa puwesto, iginiit ni Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, na hindi raw naaapektuhan ang pangulo sa mga ito.
"Ang Presidente, ang ating Pangulo, hindi madi-distract sa mga ganyang panawagan. Meron siyang responsibilidad na dapat gampanan at ito ay tugusin yung mga may sala dito sa anti-corruption na ito at gagawin ng Pangulo natin 'yan," saad ni Gomenz sa kaniyang panayam sa DZMM nitong Linggo, Nobyembre 30.
KAUGNAY NA BALITA: PBBM, dedma sa panawagang bumaba na sa puwesto—Palasyo