Ipinagdriwang ngayon ang ika-162 na petsa ng kapanganakan ng tinaguriang Ama ng Rebolusyon at Supremo ng Kataastaasan, Kagalang-galangang Katipunan ng mga Anak ng Bayan (KKK) na si Gat Andres Bonifacio.
Isa sa maituturing na haligi kung bakit nakalaya ang bansa mula sa mahigit 300 taon na pananakop ng Espanya.
Ngunit sa isang siglo at mahigit dalawang dekada simula nang mapaslang si Andres ng kapuwa niya Pilipino noong ika-10 ng Mayo, 1897, gaano na nga ba naging mas magulo pa ang sistema ng gobyerno ng Pilipinas partikular sa halalan ng Pilipinas? Hindi na maikakailang sandamakmak na ang mga babasahin, panayam mula sa mga historyador, at maging artikulo’t video sa social media nang maganap ang unang halalan sa Pilipinas sa Tejeros Convention noong Marso 22, 1897.
Kinasasangkutan ng makasaysayang pangyayaring ito ang resibo ni Andres bilang pinaka-unang biktima ng karahasang may kaugnayan sa eleksyon (election related violence) sa bansa.
Ayon pa nga sa artikulong naisulat ng kolumnista at abogadong si Josephus Jimenez noong 2023, tinawag niyang orihinal na “Hello Garci” at kalola-lolahan ng mga pandaraya sa eleksyon sa kasaysayan ng bansa ang Tejeros Convention.
Marso 22, 1897, ikinasa ang Tejeros Convention sa pangunguna ng dalawang paksyon ng Katipunan na mga grupong Magdiwang at Magdalo para pagbotohan kung sino ang mamumuno para sa bagong Pamahalaang Panghimagsikan ng Pilipinas.
Ginanap ito sa Francisco de Malabon, Cavite o mas kilala na ngayong bilang General Trias.
Hindi nakadalo o “absentia” ang itinuturing na pinuno noon ng grupong Magdalo na si Emilio Aguinaldo at ayon din sa mga tala sa kasaysayan, wala rin siyang kamalayang nagaganap ang nasabing botohan noon sa pagitan niya at ni Andres para maging bagong Pangulong mangunguna sa bagong pamahalaang nilalayon ng Magdalo na pumalit at mag-angkin ng mga natamo ng Katipunan laban sa Espanya.
Ang resulta, nakahanda na ang mga kahon para sa mga bumoto sa pagitan ni Andres at ni Aguinaldo. Wagi si Aguinaldo bilang unang Pangulo ng bansa habang maging ang pagiging Pangalawang Pangulo ay hindi rin naitalaga kay Andres.
Nauwi bilang Direktor de Interior (Interior Secretary) si Andres ngunit sa kabila nito, umalma ang isang miyembro mula sa Magdalo na si Daniel Tirona sa pagkakatalaga kay Andres bilang Kalihim dahil hindi naman daw umano ito abogado.
Nagalit si Andres ngunit agad na napigilan ng mga kasamahan niya na magdulot pa ng marahas na resulta ang nasabing halalan. Bilang Supremo ng Katipunan, idineklara ni Andres ang pagpapawalang bisa ng nasabing halalan dahil sa umano’y naganap na dayaan mula sa pasimuno ng mga Magdalo.
Umalis si Andres kasama ng kaniyang mga kasamahan sa Tejeros Convention at umakyat sa bundok. Ipinag-utos ni Aguinaldo ang pagpapahuli kay Andres.
Pinangunahan ni Agapito Bonzon at kaniyang grupo ang pag-aresto kay Andres. Hindi agad pumayag si Andres na mahatulan ng kamatayan dahil sa takot na baka magkawatak-watak ang mga rebolusyonaryo. Nagkaroon ng engkwentro sa pagitan ng dalawang grupo at nasaksak si Andres, namatay ang isa niyang nakababatang kapatid na si Ciriaco Bonifacio, habang sugatan naman ang isa pa niyang kapatid na si Procopio. Ibinalik sila sa Naik (Naic), Cavite.
Abril 29 hanggang Mayo 4, 1987, nahatulang nagkasala si Andres sa kasong sedisyon at pagtataksil sa kabila ng umano’y kakulangan ng mga ebidensya laban sa kaniya at kapatid nito.
Mayo 10, 1987, sa pag-uutos ni Heneral Noriel kay Lazaro Makapagal kasama ang apat nitong sundalo, dinala nila ang magkapatid na sina Andres at Procopio sa pagitan ng mga bundok Buntis o Nagpatong (ayon sa mga tala sa kasaysayan) sa Maragondon, Cavite. Dala ang liham na ibinigay ni Noriel kay Makapagal at inutos na basahin lamang kapag nakarating na sa bundok, doo’y binasa niya ang kautusang parusang kamatayan para kina Andres at Procopio.
Matapos nito, hindi pa rin naging malinaw kung paano ang naging karumal-dumal na pagpaslang kay Andres at Procopio. May mga kuwentong pinagtataga raw ng tabak sina Andres hanggang sa mamatay dahil nagtitipid sa bala ang mga sundalo noon habang may ilan ding tala na binaril sina Andres dahil sa pagtatangka nilang manlaban.
Wala ring tiyak na lokasyon kung saan ibinaon ang kanilang mga labi. Minolestiya ng mga taong nasa likod ng pantay kay Andres ang biyuda niyang si Gregoria de Jesús.
Matapos ang kahindik-hindik na pangyayaring ito sa buhay ni Andres, tila hindi ba natuto ang mamamayang Pilipino sa sinapit ng nasabing bayani noon?
Sa paglipas ng panahon, palala nang palala ang kaso ng karahasang nangyayari sa pagi-pagitan ng panlokal at pang-nasyunal na halalan sa bansa at maging sa politika mismo.
Totoong hindi dapat alalahanin ang mapapait na pangyayari sa buhay ng isang tao sa panahon ng pagdiriwang ng kaniyang kapanganakan. Ngunit kung hindi mapag-uusapan ang mga ganitong bagay, hindi lang sa kaarawan ni Andres, kailan?
Kasalukuyang nagmamartsa ang maraming tao sa Luneta, Maynila at EDSA People Power Monument sa Quezon City para sa panawagang pagbabago sa talamak na korapsyon nangyayari sa loob ng pamahalaan.
Kamakailang nag-utos si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na masilbihan na ng warrant of arrest ang pinsan nitong si dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, at iba pang indibidwal na umano’y sangkot sa maanomalyang flood-control projects sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Naglabas si Co ng diumano’y mga alegasyon tungkol sa aabot na ₱100 bilyong insertions ng Pangulo at bilyones din umanong insertions ng anak nitong si House Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Nagpahayag na tila handa umano na pumalit bilang Pangulo si Vice President Sara Duterte sakali mang mapatalsik si PBBM sa puwesto habang depensa naman ng kampo ng mas mataas na posisyon, isa itong destabilisasyon.
Nagbalik ng aabot sa ₱110 milyon si dating DPWH District Engineer Henry Alcantara sa gobyerno bilang parte ng layuning restitution nito sa mga kalimbat sa maanomalyang flood-control projects at inaasahang magbabalik pa ito ng ₱200 milyon sa susunod na dalawang Linggo.
Ilan lamang ang mga pangyayaring ito na parte ng mas magulong kaganapan ngayon sa bansa.
Ngayong Linggo, Nobyembre 30, 2025, kasabay ng pagdiriwang sa kaarawan ni Andres, nagkasa ng malawakang kilos-protesta ang maraming bilang ng mga progresibong grupo laban sa umano’y mga korapsyong nagaganap sa bansa.
At kung nabubuhay pa rin ngayon si Andres, sa tingin mo, makikita mo siyang sumisigaw at nagpupuyos ang galit sa kalye?
O baka ito ang mas wastong tanong, nabubuhay pa rin ba sa puso at diwa mo ang mga aral na iniwan ng magiting na kasaysayan ni Andres?
Kagaya nito, mula sa tula niyang “Pag-ibig sa Tinubuang Lupa:”
Aling pag-ibig pa ang hihigit kaya
sa pagkadalisay at pagkadakila
gaya ng pag-ibig sa tinubuang lupa?
Alin pag-ibig pa? Wala na nga, wala.
MAKI-BALITA: Hu u, Andres? O kung bakit lagi’t lagi kang kailangang i-undress
MAKI-BALITA: BALITAnaw: Ika-162 na kaarawan ng magiting na Supremo ng Katipunan
Mc Vincent Mirabuna/Balita