December 14, 2025

Home BALITA

#BalitaExclusives: PLM, ipinanawagan pagtaas ng sahod, aksyong mabilis sa flood control scam

#BalitaExclusives: PLM, ipinanawagan pagtaas ng sahod, aksyong mabilis sa flood control scam
Photo courtesy: Vincent Gutierrez/BALITA


Ipinanawagan ng grupong Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan (PLM) ang pagtaas ng minimum wage at ang mabilis na aksyon hinggil sa imbestigasyon ng maanomalyang flood control projects sa bansa.

Ito ay matapos dumalo ang naturang grupo sa ikinasang “Baha sa Luneta 2.0” sa Rizal Park sa Maynila nitong Linggo, Nobyembre 30.

Sa eksklusibong panayam ng Balita sa Vice President ng PLM na si Aljhun Anghustia, isiniwalat niya ring ninanais nilang ipakita sa pamahalaan ang kanilang nararanasan, kung kaya sila dumalo sa kilos-protesta.

“Kami po ay nagkatipon sa lugar na ito, sa Luneta, nakiisa kami sa rally na ito upang ipakita sa gobyerno ang nararanasan ng mga maralita—especially ‘yong hirap lalo na sa taas ng bilihin, sa taas ng presyo, sa baba ng sahod na hindi sapat para sa mga maralita,” panimula ni Anghustia.

“For example na lang natin, hindi po kasya ‘yong ₱695 na minimum wage po sa isang pamilya. Much better po na sana ay ipasa ng ating gobyerno, o ng ating Kongreso na ilagay sa ₱1200 minimum wage para po makabuhay po talaga ng pamilya,” saad pa niya.

Binigyang-diin niya rin ang isinagawang imbestigasyon ng pamahalaan patungkol sa isyu ng flood control. Aniya, isinisigaw ng taumbayan na kailangang managot sa pangyayaring ito.

“At isa pa po sa mga concern ng mga maralitang tulad namin—at sa mga ibang sektor—kung bakit sila sumama [ay] dahil sa wala pang nananagot sa nangyayaring flood control [issues]. Ilang buwan na po ‘yong pag-iimbestiga, wala pa rin pong nangyayari hanggang ngayon po—hanggang sa marami nang na-involve na tao [ay] wala pa rin po. Kaya ngayon ang sigaw ng taumbayan, kailangang may managot,” ani Anghustia.

“Kailangan po talaga na magkaroon ng accountability, especially po kailangang mailatag ng ating Pangulong BBM ‘yong mga dapat managot katulad din po nila former House Speaker (HS) [Martin] Romualdez, at siyempre din po ang kaniyang katuwang [na] si [ex-Ako Bicol Partylist Rep.] Zaldy Co,” dagdag pa niya.

“Marami rin pong involve sa kaso ng flood control at hindi pa po enough ‘yong patunay nilang ebidensya na ipinapakita sa tao. So kailangan po siguro natin magkaroon ng malinaw at malawakang pagkilos na ito upang maipaabot na kailangan nilang baguhin ang sistemang ito. Kailangang mabago ang sistema ng bansa kasi hindi na po natutuwa ang mga maralita sa nararanasan,” pagtatapos niya.

Matatandaang nagbigay naman ng pahayag ang Palasyo hinggil sa mga isinagawang kilos-protesta ng iba’t ibang grupo hinggil sa kanilang panawagan na bumaba na ito sa puwesto. Ayon kay PCO Sec. Dave Gomez, hindi raw nadi-distract si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dito.

"Ang Presidente, ang ating Pangulo, hindi madi-distract sa mga ganyang panawagan. Meron siyang responsibilidad na dapat gampanan at ito ay tugusin yung mga may sala dito sa anti-corruption na ito at gagawin ng Pangulo natin 'yan," saad ni Gomez.

MAKI-BALITA: PBBM, dedma sa panawagang bumaba na sa puwesto—Palasyo-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA