Nausisa ang political analyst at dating Presidential Adviser for Political Affairs na si Ronald Lllamas kaugnay sa posibilidad na bumuo ng malawak na alyansa ng oposisyon sa 2028 elections.
Matatandaang lumutang kamakailan ang usapin ng paparating na halalan matapos ihayag ni dating Vice President at Naga City Mayor Leni Robredo ang tila kawalan niya ng interes na makisawsaw pa sa gulo ng pambansang politika.
Maki-Balita: 'Dito na lang ako sa Naga!'—Leni, sa gitna ng panawagang tumakbo sa 2028
Pero sa eksklusibong panayam ng Balita kay Llamas nitong Linggo, Nobyembre 30, sinabi niyang nararapat umano ang pagsasanib-pwersa ng mga indibidwal mula sa hanay ng oposisyon laban kay Vice President Sara Duterte.
Aniya, “Isang alyansa lamang ang makakatalo kay Sara Duterte. At mali na sabihin na ‘wag nang makikialam sa politika. Ngayon pinakakailangang makialam. Ngayon pinakakailangan tumaya. At hindi lang taya, tayang pato.”
“Kaya lahat ay dapat ay gawin ang kanilang magagawa para mabago ang sistema; pigilan ang pagbabalik ng mga Duterte. Kung hindi ay isusumpa tayo ng susunod na henerasyon,” dugtong pa ni Llamas.
Ayon sa kaniya, marami umano ang posibleng mamuno para pangunahan ang alyansa ng oposisyon sa 2028 bagama’t hindi siya nagbigay ng pangalan.
“Marami, pero kailangan sila-sila ang mag-usap at mamili. At suusportahan namin ang mapipili nila,” anang political analyst.
Samantala, inaasahan ni Llamas na matapos ang ikalawang bugso ng Trillion Peso March ay makakagawa ito ng mga chapter sa buong bansa at makakahamig ng mas maraming kasapi mula sa iba’t ibang sektor ng lipunan.