Naging agaw-pansin sa mga isinasagawang anti-corruption protests ang mga watawat na kulay itim at may kulay puting bungo sa gitna nito.
Mula sa isang sikat na anime series na One Piece, nasaksihan mula sa iba’t ibang panig ng mundo ang “Straw Hat Pirates Flag,” na ngayo’y isa na rin sa nakikitang umaalma sa mga iba’t ibang isyu ng lipunan.
Sa eksklusibong panyam ng Balita kay Aldrin Kitsune—Secretary General ng Kalayaan Kontra Korapsyon mula sa College of St. Benilde, ibinahagi niya ang tila simbolong bitbit ng watawat na kanilang dala-dala sa pakikiisa sa Baha sa Luneta 2.0 nitong Linggo, Nobyembre 30, 2025.
“Bitbit po ng mamamayan ng iba’t ibang bansa, kasi base sa mga One Piece fans, yung Straw Hat—sila yung sumisimbolo nang pagtatanggol sa mga naaapi, (laban sa mga kapitalista). Kung ano yung nangyayari ngayon sa ating lipunan, sa ibang bansa. Kung ano yung naging kuwento ng One Piece, ganoon din yung nagiging reflection sa tunay na buhay,” ani Kitsune.
Mula sa anime, iginiit din ni Aldrin, na ito ay simbolismo ng katarungan at pag-asa.
“Yun yung isa sa mga dahilan kung bakit dinadala ito ng mga kabataan, ng mga mamamayan. Simbolo po ito ng malayang paghihimagsik ng katarungan at simbolo ng katarungan at simbolo ng pag-asa,” saad ni Aldrin.
Aniya pa, “I believe, isa itong magandang halimbawa ng malawakang pagkilos, na bitbit din ng iba’t ibang kabataan sa buong mundo.”
Nagkakaiba man sa mga bitbit na mga karatula ang mga nakikidalo sa mga protestang nananawagan kontra-korapsyon, isa ang Straw Hat Pirates flag, sa mga nangungusap sa mga hinanaing ng bawat demonstrador.