Isang 18-anyos na babae ang natagpuang patay sa isang masukal na bahagi ng Zone 6, Barangay Panicuason sa Naga City.
Ayon sa pulisya, wala umanong pang-itaas na kasuotan ang biktima nang madiskubre ang kaniyang bangkay.
Batay sa inisyal na ulat ng pulisya, umalis ang biktima sa kanilang bahay at sinabing gagawa siya ng research. Hindi na siya nakauwi, at kalaunan ay natagpuan ang kaniyang bangkay sa liblib na bahagi ng barangay.
Hindi pa inilalabas ng mga awtoridad ang kaniyang pagkakakilanlan habang nagpapatuloy ang koordinasyon sa pamilya.
Ayon kay Police Captain Daisy Angeles, tagapagsalita ng Naga City Police Office, mayroon na silang natukoy na mga persons of interest. Nilinaw niyang hindi pa itinuturing na mga suspek ang mga ito sa ngayon, ngunit iniimbestigahan para sa posibleng kaugnayan sa kaso.
Paliwanag ni Angeles, ang persons of interest ay mga indibidwal na maaaring nakasalamuha ng biktima o nasa lugar bago ang insidente.
Patuloy pa rin umano silang kumakalap ng pahayag at nire-review ang timeline upang matukoy ang motibo at ang mga posibleng responsable.
Nanawagan si Angeles sa publiko na manatiling mapagmatyag habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Paalala niya sa mga residente na iwasan ang paglalakad nang mag-isa kung maaari, lalo na sa mga liblib na lugar, at maging alerto para sa kanilang kaligtasan.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.