Tila tinatangkang isulong ni singer-songwriter at dating senatorial aspirant Atty. Jimmy Bondoc ang Mindanao succession o pagkalas nito sa Pilipinas upang maging ganap na bansang nagsasarili.
Sa isang Facebook post ni Bondoc noong Biyernes, Nobyembre 28, ipinahiwatig niya ang nalalapit na pagdating umano ng Republika ng Mindanao.
“Republic of Mindanao, coming soon,” ani Bondoc.
Ito ay matapos ibasura ng International Criminal Court (ICC) ang apelang interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakabilanggo sa The Hague Netherlands.
Umugong muli noong Oktubre ang usap-usapang Mindanao succession matapos sabihin ni Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga na mala-Singapore na raw sana ang naturang isla kung hindi dahil sa mga korap na politiko sa National Capital Region o NCR.
Aniya, “Mindanao could’ve been like Singapore if it wasn’t for the Corrupt Politicians in the NCR.”
Matatandaang matagal nang pinag-uusapan sa bansa ang balak na ibukod ang Mindanao dahil sa umano’y hindi patas na trato ng gobyerno sa pangangailangan nito kumpara sa Luzon.
Maki-Balita: Barzaga, muling binanatan mga politiko sa NCR; Mindanao, mala-Singapore na raw sana!