Patay ang isang ina at dalawa niyang anak matapos masunog nang buhay sa loob ng kanilang tirahan sa Davao City.
Napag-alamang nasa edad na 33 taong gulang ang ina ng mga biktima, habang pawang nasa edad anim na taong gulang ang batang babae niyang anak at dalawang taong gulang naman ang batang lalaki.
Hinala ng pulisya, posible umanong faulty electrical wiring ang sanhi ng sunog sa tahanan ng mga biktima.
Samantala, hindi rin iniaalis ng mga kaanak ng biktima ang foul play sa pagkamatay ng mag-iina lalo pa’t may hidwaan umano ang magulang ng mga bata.
Ayon sa paunang imbestigasyon, ilang oras lang daw bago matupok ng apoy ang kanilang tirahan, ay nagawa pang mag-post sa social media ang ina ng dalawang bata, laban sa pambababae umano ng kanilang padre de pamilya.
Nakipagkita rin umano ang ina ng dalawang bata sa kaniyang biyenan, ilang araw bago mangyari ang sunog, upang isangguni ang pangangaliwa raw ng kaniyang mister.
Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad.