December 13, 2025

Home FEATURES Trending

KILALANIN: 55-anyos na Political Science major, patuloy nagpupursige sa pag-aabogado

KILALANIN: 55-anyos na Political Science major, patuloy nagpupursige sa pag-aabogado
Photo courtesy: Benjie Estillore (FB)

Bumilib ang netizens sa determinasyon ng isang 55-anyos na aspiring lawyer at kasalukuyang 3rd year Political Science (PolSci) student at ride hailing app driver. 

Isa na rito ang Pinay lawyer na si Atty. Jackie Gan-Cristobal. 

“He drives Grab in the morning, attends classes in the afternoon, and goes back on the road until midnight,” aniya sa kaniyang social media post, na sa kasalukuyan ay umani na ng 92k reactions, at 1k na komento. 

Bukod pa rito, isa ring iskolar ng Taguig City ang nasabing driver na si Tatay Benjie Estilore. 

Trending

KILALANIN: Ang pumanaw na PBA Legend na si Jimmy Mariano

“For the past three years, he’s been a Taguig scholar of Mayor Lani Cayetano and he might just be the oldest scholar at that!” dagdag pa ni Atty. Jackie. 

Nang eksklusibong makapanayam ng Balita si Atty. Jackie kamakailan, ibinahagi niya na sa pagkikita nila ni Tatay Benjie dahil sa ride hailing app, muli niyang nabalikan ang dahil kung bakit siya nagtuloy sa pagka-abogasiya. 

“That encounter with Tatay Benjie reminded me of why I wanted to become a lawyer in the first place. It’s really to serve people. It’s really to inspire people like Tatay Benjie, that we can do this. And that we can really strive hard to reach and fulfill our dreams,” pagbabalik-tanaw ni Atty. Jackie. 

MAKI-BALITA:  #BalitaExclusives: Pinay lawyer, na-inspire sa determinasyon ng isang 55-anyos PolSci student at driver

Kaya sa eksklusibong panayam naman ng Balita kay Tatay Benjie, ibinahagi niya na layunin niyang matapos ang kaniyang pag-aaral hindi lang para makakuha ng diploma ngunit para makapagsilbi rin sa bayan bilang abogado. 

Simula 2015, namamasada na raw siya sa ride hailing app, at taong 2020, sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic, dito siya pumasok siya sa Alternative Learning System (ALS) para matapos ang kaniyang junior high school degree, at nagpatuloy sa senior high school dahil sa bagong education kurikulum. 

Nang tanungin kung paano niya napagsasabay ang pagpapasada at pag-aaral, binanggit ni Tatay Benjie na kahit mahirap, nagagawan niya ng paraan dahil mahal niya ang kaniyang ginagawa. 

“Mahirap talaga sa sitwasyon eh. Nag-Grab, nag-aaral. Pero ginusto ko talaga. Kumbaga, kung gusto may paraan, kung ayaw, may dahilan,” ani Tatay Benjie. 

Dinagdag din niya na bagama’t may mga oras na pinanghihinaan siya ng loob, patuloy na pinagtitibay ni Tatay Benjie ang loob niya sa pamamagitan ng dasal at suporta ng asawa na public school teacher. 

“‘Yong goal ko talaga mag-proceed ako sa law after political science. Pero noong senior high school pa lang ako at [ngayon] sa college, may time na parang pinanghihinaan ako ng loob. Hindi mawala ‘yan. Pero pinagtitibay ko na lang kalooban ko kasi gusto ko matapos ‘yong pag-aaral. Samahan ng dasal, mayroon namang Panginoon na naggagabay,” ani Tatay Benjie. 

“Siyempre ‘yong suporta rin ng asawa ko kasi guro siya sa public [school], ‘yan din ang nagbibigay sa akin ng lakas. Sabi niya sa akin, ‘bakit ka susuko? Wala namang dahilan para sumuko ka. Nandito naman ako, susuporta sa’yo, tulungan lang,’” dagdag pa niya. 

Kasama rin daw dito ang mga kaibigan niyang nagbibigay ng lakas para magpatuloy. 

Tungkol naman sa scholarship niya, ibinahagi ni Tatay Benjie na malaking tulong ito dahil dito niya kinukuha ang mga pambayad sa miscellaneous fees tulad ng pambili ng uniform, sapatos,  at libro. 

Sa kaunti naman daw na natitira, napupunta ito sa iba pang pagkakagastusan nila. 

“‘Yong scholarship namin sa Taguig, every semester. Doon ko kinukuha ‘yong panggastos sa school, bayad sa miscellaneous, enrollment, pambili ng uniform, sapatos, libro, doon po lahat. May kaunting natitira, ‘yon kung ano puwedeng pagkagastusan,” aniya. 

Nang matanong kung kumusta ang classroom environment ni Tatay Benjie, ibinahagi niya na “kuya-kuya” siya ng mga kaklase dahil siya ang pinakamatanda rito. 

“Ako ‘yong pinakamatanda doon, pero pantay-pantay po kami, walang exempted. Mababait naman sila, kuya-kuya. Kapag uwian na, hiwa-hiwalay na. Minsan may kaunting kuwentuhan. Nakikibagay lang din ako sa kanila. Mahirap naman din kung may sarili akong mundo. Ano lang, makikisama lang,” masayang saad ni Tatay Benjie. 

Mensahe para sa mga nangangarap ding makapagtapos ng pag-aaral

Ibinahagi ni Tatay Benjie na walang edad na pinipili ang pag-aaral dahil ang pagkatuto naman daw ay isang continuous process.

“Tuloy lang, yong pag-aaral naman, continuous process naman. Palagi kong sinasabi sa kabataan na habang may nagsusuporta sa inyo, mag-aral kayo, magtapos ng pag-aaral. Kung ano ‘yong kurso niyo ngayon, balang-araw, kayo ‘yong magiging leader ng ating bansa,” panghihikayat ni Tatay Benjie. 

“Tapusin talaga ‘yong pag-aaral. Tulad ko, may edad na ako, hindi ako nawawalan ng pag-asa na makatapos ng pag-aaral kasi ‘yong university ay napakahalaga sa buhay natin,” dagdag pa niya. 

Sean Antonio/BALITA