Nagpakawala ng tirada si Davao City 1st District Rep. Paolo Duterte laban sa pamahalaan matapos ibalik ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara ang milyong-milyong kinulimbat nito sa maanomalyang flood control projects.
Sa latest Facebook post ni Duterte nitong Sabado, Nobyembre 29, inihayag niya ang kaniyang pag-aalinlangang ginawa ni Alcantara nang mag-isa ang nasabing modus.
“Hindi kami tanga. Hindi ka makaipon ng ₱110 million nang ikaw lang. May padrino, may protector, may financier. Alam ng taumbayan ‘yan,” saad ni Duterte.
“At habang nagbabalik ang mga small fries,” pagpapatuloy niya, “‘yung malalaking mandurugas — tahimik, hindi kumikibo, hindi nagpapakita. Hinihintay pa siguro na matumal ang issue bago magpanggap na malinis.”
Dagdag pa niya, “Kung totoong seryoso sila sa ‘anti-corruption,’ sila Zaldy Co, Martin, Sandro, Baby Em at ang buong barkada ng mga budget manipulators — baka naman gustong magbalik ng ‘kanilang part’ sa kaban ng bayan?”
Ayon sa kongresista, maituturing lang umanong damage control ang hakbang na ito ng gobyerno para hindi mapagtakpan ang totoong mastermind sa likod ng talamak na korupsiyon sa bansa.
“Kawawang Pilipinas…pinagnakawan na nga ng Trilyones, nakuha pang lokohin ng parehong magnanakaw…kailan ba talaga tayo matuto? Kailan ba tayo magigising?Kailan ba tayo tatayo at lumaban sa kasakiman ng mga taong ito?” ani Duterte.
Samantala, inaasahang magbabalik pa si Alcantara ng halagang ₱200 milyon sa susunod na dalawang linggo matapos ang paunang ₱110 milyon ayon kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Maki-Balita: Henry Alcantara, nagbalik na ₱110M sa gobyerno, magbabalik pa ng ₱200M—PBBM