Naglabas ng saloobin si dating Commission on Election (Comelec) Commissioner Rowena Guanzon hinggil sa pagkakabasura ng petisyong interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa isang Facebook post noong Biyernes, Nobyembre 29, 2025, sinabi ni Guanzon na bagama’t hindi siya sumasang-ayon sa ilang bahagi ng kampanya kontra droga ng dating administrasyon, ramdam umano ng maraming mamamayan ang kaayusan at kapanatagan noong panahong iyon.
“Hindi ako pabor sa ilang bahagi ng War on Drugs mo at alam ng lahat yun, pero nung subukan kong mag-ikot sa ibaba kausap ang mga ordinaryong tao, ramdam nila ang kaibahan lalo na ang kapanatagan na mamuhay ng maayos nung panahon mo dahil sabi nila, bumalik na naman ang mga kriminal na walang kinatatakutan, nag-aabutan na naman ng droga kahit tanghaling tapat ngayon,” aniya.
Ayon sa kaniya, matagal niyang pinag-isipan ang isyu dahil nalulungkot din siya para sa mga inosenteng nadamay sa kampanya kontra droga. Gayunman, hindi umano niya puwedeng balewalain ang mga kwentong personal niyang naririnig mula sa komunidad.
“Ang tagal ko tinimbang ito dahil malungkot ako para sa mga inosenteng nadamay na kinamatayan ang mga pangyayari pero hindi ko pwedeng ipikit ang mata ko at takpan ang tenga ko sa mga istorya na narinig ko sa palengke, public transport, barbershop, at kung saan-saan pa,” paliwanag niya.
Dagdag pa niya, mas nais sana niyang dito sa bansa nakakulong at nililitis si Duterte, kasunod ng pahayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na may maayos na legal system ang Pilipinas.
“Ang sa’kin lang, dito ka sana nakakulong sa atin dahil sabi nga ni BBM sa mga fugitive abroad na working naman ang legal system natin kaya umuwi sila at harapin ang kanilang kaso,” aniya.
Sinabi rin niyang naniniwala siyang malaking “tinik” sa kasalukuyang administrasyon si Duterte dahil sa patuloy nitong kritisismo, lalo na’t marami pa rin umano itong tagasuporta, partikular sa Mindanao.
Sa huli, ikinalungkot niya ang lumalalim na pagkakahati-hati ng publiko matapos ang mga pangyayari.
“Imbis na paghilom matapos ang resulta ay mas lalong nagkawatak-watak lang tayong lahat,” wika niya.