Muling nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) hinggil sa pagpapasahod ng mga empleyado sa pribadong sektor, kasabay sa paparating na holiday season sa Disyembre.
Hitik sa red mark ang kalendaryo sa tuwing pumapasok na ang buwan ng Disyembre. Bagama't nangangahulugan ito ng kaliwa't kanang holidays narito ang pinagkaiba ng "special non-working holiday" at "regular holidays," para sa mga empleyadong 'ika nga nila'y kakayod pa rin anuman ang okasyon.
Ayon sa DOLE, ang mga araw ng Disyembre 8 (Kapistahan ng Immaculate Conception) Disyembre 24 (Christmas Eve) at Disyembre 31 (New Year's eve) ang mga itinuturing na special non-working holiday.
Sa ilalim ng labor rules ng DOLE ang mga empleyado mula pribadong sektor na magtatrabaho sa special non-working holidays ay dapat makatanggap ng karagdagang 30% sa kanilang basic wage sa loob ng walong oras na duty.
Karagdagang 30% naman sa hourly rate kapag lumampas na sa walong oras ang ipinasok ng isang empleyado.
Samantala, ang mga araw naman ng Disyembre 25 (Christmas day) at Disyembre 30 (Rizal day) ang itinuturing na regular holidays.
Ang mga empleyadong papasukin o papasok ng regular holiday ay kailangang magkaroon naman ng karagdagang 200% sa kanilang daily wage sa loob ng walong oras na kanilang pagtatrabahuhan.
Kapag lumampas na sa walong oras o overtime, kailangang magkaroon ng 30% na karagdagan sa kanilang hourly rate ang mga empleyadong papasok sa regular holidays.