Isang apat na taong gulang na bata ang nasawi matapos masagasaan ng isang sport utility vehicle (SUV) habang namamalimos sa Algeciras Street, kanto ng España Boulevard sa Sampaloc, Maynila, noong Huwebes, Nobyembre 27, 2025.
Kasalukuyang iniimbestigahan ng pulisya ang 34-anyos na driver na nakilala lamang sa pangalang “Carle.”
Ayon sa Manila Police District–Traffic Enforcement Unit (MPD-TEU), naganap ang insidente dakong 12:25 ng tanghali.
Sa paunang imbestigasyon, nakahinto umano ang mga sasakyan sa red light sa Algeciras Street nang tumawid ang bata sa pagitan ng mga sasakyan upang mamalimos ng pera o pagkain.
Pagsindi ng green light, umandar ang SUV at nasagasaan ang bata, na tumilapon sa kalsada.
Agad siyang dinala sa Jose Reyes Memorial Medical Center ngunit idineklarang dead on arrival dahil sa tinamong mga pinsala sa katawan.
Dinala naman sa Tondo Medical Hospital ang driver para sa medical examination.
Patuloy ang imbestigasyon at inihahanda na ng mga awtoridad ang kaukulang kaso laban sa driver.