Bukas umano ang Trillion Peso March Movement na tanggapin ang mga makikiisa sa ikakasa nilang malawakang kilos-protesta sa EDSA People Power Monument sa Quezon City para sa mga taong mananawagan sa pagpapatalsik sa puwesto ni Vice President Sara Duterte.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Akbayan President Rafaela “Paeng” David nitong Biyernes, Nobyembre 28, kinumpirma niyang tatanggapin daw nila ang mga nagnanais makiisa sa kanilang kilos-protesta kahit “VP Sara resign” ang panawagan ng mga ito.
“Tayo po, naniniwala po tayo na kailangang ding panagutin [si VP Sara],” pagisismula niya, “In fact, nag-file nga po at nag-endorse ng impeachment tayo against kay Sara.”
Dagdag pa niya, “Dapat nga na-impeach naman na si Sara, dapat nga tuloy ‘yong [impeachment] trial.”
Ani David, nirerespeto rin daw nila ang mga taong mananawagan din ng pagpapatalsik sa puwesto ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., pero sa ngayon, magtutuon daw muna sila sa mga ebidensyang mayroon sila laban sa Pangalawang Pangulo.
“Alam po natin ang nirerespeto, may ilan pong ganoon ang panawagan…pero sa ngayon po ang mga kasama po natin sa koalisyon ay we will cross the bridge when we get there,” aniya.
Paliwanag pa niya, “Kung sakali man na the evidence points to that and makita natin, in the same manner, na nag-file tayo ng impeachment kay Sara Duterte. If the evidence points to another possible complaint na diretso rin sa impeachment para rin kay Marcos ay hindi po tayo mag-aatubili.”
Pagpapatuloy pa ni David, hindi rin daw malayo na tumungo sila sa panawagang patalsikin ang Pangulo kung may mga maitutuong ebidensya laban dito kagaya kay VP Sara.
“Ganoon po ang pulso ng mamamayan, kasama po natin. ‘Yon po ‘yong pamantayan natin when we file the impeachment complaint against VP Sara at gayon din po ang pamantayan na gagamitin natin kay President Marcos if the evidence shows and our coalition is prepared to push the envelope as far as we can para panagutin din siya,” pagtatapos pa niya.
Samantala, inaasahang maganap ang malawakang kilos-protesta sa pangunguna ng Trillion Peso March Movement sa darating na Linggo, Nobyembre 30, 2025, sa EDSA People Power Monument sa Quezon City.
Ayon din kay David, magsasagawa rin umano sila ng martsa mula 8:00 ng umaga sa EDSA Shrine hanggang EDSA People Power Monument sa QC.
Magsisimula raw ang kanilang programa mula 9:00 ng umaga hanggang 6:00 ng hapon.
MAKI-BALITA: 'This is our moment to advance genuine reforms!' UP, suportado kilos-protesta laban sa korapsyon sa Nob. 30
MAKI-BALITA: 300k katao inaasahang dadalo sa ‘Trillion Peso Movement’ sa Nov. 30; higit 15k kapulisan, ipapakalat
Mc Vincent Mirabuna/Balita