Kasalukuyang nasa intensive care unit (ICU) ang isang Pinay na Overseas Filipino Worker (OFW) na kabilang sa mga naapektuhan ng malawakang sunog na sumilab sa ilang gusali sa Hong Kong.
Ayon sa mga ulat, na-trap ang biktima kasama ang kaniyang amo at tatlong buwang gulang na alagang sanggol matapos ang mabilis na pagkalat ng apoy sa naturang residential building.
Bago tuluyang mawalan ng contact sa kaniyang mga kaanak sa Pilipinas, nagawa pa raw ng biktima na makapag-send ng audio message sa paghingi niya ng tulong.
"Andito kami sa building nasusunog! Stuck na kami sa room, umuusok na sa loob hawak-hawak ko ang baby! Tulungan n'yo kami. Nasusunog na kami!" anang biktima.
Napag-alamang bagong salta lamang daw ang biktima sa Hong Kong at halos kasisimula pa lamang sa kaniyang trabaho nang maganap ang naturang aksidente.
Samantala, isang Pinay na domestic helper pa rin ang naiulat na nawawala, batay sa mismong ulat ng kaniyang employer. Kasama umano ng nasabing nawawalang Pinay ang kaniyang alagang limang taong gulang na alagang bata.
Ayon sa kumpirmasyon ng Department of Foreign Affairs (DFA), umabot na sa 23 Pinoy na domestic workers ang naapektuhan ng sunog sa Hong Kong, habang nilinaw din nito na wala pang naitatalang casualties na mula sa mga Pilipino.
Mula sa paunang tala na 44 katao ay umakyat na sa 83 ang bilang ng mga nasawi mula sa nasabing trahedya habang mahigit 200 pa ang nawawala.
KAUGNAY NA BALITA: 23 OFWs, apektado ng sunog Hong Kong; 1 nawawala—DFA
KAUGNAY NA BALITA: ‘Unverified pa!’ Posibilidad na may Pinoy na na-trap sa nasunog na gusali sa HK, inaalam pa