December 12, 2025

Home BALITA

PCSO: Distribusyon ng PTVs sa buong Pilipinas, halos 100% na

PCSO: Distribusyon ng PTVs sa buong Pilipinas, halos 100% na
PCSO

Iniulat ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na nasa halos 100% na, ang isinasagawa nilang distribusyon ng Patient Transport Vehicles (PTVs) sa buong bansa.

Ang anunsiyo ay isinagawa ng PCSO matapos na mag-turn over muli ng 10 pang PTVs sa isang seremonya na idinaos sa kanilang punong tanggapan sa Conservatory Building sa Mandaluyong City nitong Biyernes, Nobyembre 28.

Ayon sa PCSO, ang naturang inisyatiba ay bilang pagtalima sa direktiba ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. na mabigyan ng PTVs ang lahat ng mga lalawigan, lungsod, at munisipalidad, sa ilalim ng kanilang Medical Transport Vehicle Donation Program (MTVDP), na isang mahalagang government strategy upang palakasin ang universal access sa emergency medical care.

Anang PCSO, ang naturang PTVs ay nagpapakita sa commitment ng administrasyon na paghusayin pa ang emergency care network ng bansa.

National

PBBM sa sektor ng edukasyon: 'Na-neglect natin nang napakatagal!'

Nabatid na bawat unit ng naturang PTVs ay mayroong essential medical transport equipment gaya ng stretcher, oxygen tank, wheelchair, first-aid kit, blood pressure monitor, at medicine cabinet, upang matiyak ang ligtas at nasa oras na paglilipat ng mga pasyente sa health facilities.

Nang manungkulan si Pang. Marcos Jr. noong 2022, nakapagdeliber na ang PCSO ng 680 PTVs nationwide at umaas pa ang naturang bilang noong 2025 matapos na paigtingin ng ahensiya ang implementasyon ng MTVDP.

Nito lamang Nobyembre 25, 2025, nakapag-distribute ang PCSO ng 82 PTVs sa Bacolod City, sanhi upang umabot na ang total coverage ng kanilang distribusyon sa 98%.

Nitong Biyernes naman, nadagdagan pa ang naturang achievement ng PCSO matapos na makapag-distribute ng 10 pang karagdagang PTVs sa local chief executives ng San Pedro City, Calapan City, Legazpi City, Ilagan City, Malolos City, Muñoz City, San Jose City, Olongapo City, Iriga City, at Angeles City.

Anang PCSO, dahil sa naturang bilang ang national total ng naipamahaging PTVs ay umabot na sa 1,630 units, na kumakatawan sa 99% coverage ng 1,642 LGUs ng bansa.

“These consistent milestones demonstrate PCSO’s unwavering commitment to ensuring that communities—from major cities to rural municipalities—have access to reliable, lifesaving medical transport services,” ayon sa PCSO.

Nabatid na nitong 2025, naglaan ang PCSO ng P1 bilyong pondo para sa pagbili ng 395 pang PTVs, na may layuning makumpleto ang distribusyon at makamit ang 100% nationwide coverage sa pagtatapos ng taon.