Nagbigay ng reaksiyon si Kamanggagawa Rep. Eli San Fernando hinggil sa rekomendasyong ₱500 Noche Buena ni Department of Trade and Industry (DTI) Sec. Cristina Roque.
Sa latest Facebook post ni San Fernando nitong Biyernes, Nobyembre 28, mapapanood ang kaniyang video kung saan hinamon niya ang kalihim na mamalengke ng pang-noche buena sa halagang ₱500.
“May isa na namang tanga na sumulpot sa gobyerno,” panimula ni San Fernando. “Sabi ni DTI Secretary Cristina Roque e kasya na raw ang limandaang piso para sa noche buena.
“Alam mo, Secretary Roque,” pagpapatuloy niya, “sa halip na aminin mo na lang ‘yong katangahan mo at mag-sorry, maging accountable sa mga mamamayang Pilipino na nagpapasahod sa ‘yo, mas pinagdiinan mo pa ‘yong katangahan mo kaysa aminin na may mali talaga sa sinabi ng DTI.”
Kaya hamon ng kongresista, “Ngayon, Secretary Roque, kung naniniwala ka at ipinaglalaban na kasya talaga ‘yang limandaang piso para sa noche buena e mag-₱500 Noche Buena challenge tayo. Kayo na ang mamili ng palengke at lugar, sasamahan ko pa kayo!”
Matatandaang pinanindigan ni Roque na sapat na ang ₱500 para makabili ng mga ihahanda sa Noche Buena sa naging panayam ng DZMM Teleradyo sa kaniya noong Huwebes, Nobyembre 27.
Maki-Balita: 'Depende sa dami ng miyembro ng pamilya!' DTI Sec. Roque, nagpaliwanag sa '₱500 Noche Buena'