Isiniwalat ng Lechoneros of La Loma na tataas ang presyo ng kanilang mga lechon sa darating na buwan ng Disyembre.
Sa panayam ng DZMM Teleradyo sa presidente ng Lechoneros of La Loma na si Ramon “Monching” Ferreros nitong Biyernes, Nobyembre 28, ang pagtaas daw sa presyo ay may kaugnayan din sa demand at suplay ng naturang produkto.
“Itong November pa hanggang November 30, as is pa rin po ang presyo namin. Ang 6 to 7 kilos kasi po, ‘yan po ang pinakamaliit na binebenta ng La Loma Lechoneros…’Yong 6 to 7 kilos sa luto, ‘yan po ay 15 to 19 kilos sa live weight, ‘yan po ang binebenta namin. Ang halaga po niyan, sa cook weight na 6 to 7 [kilos] ay P8,500 hanggang November 30,” saad ni Ferreros.
“Pagdating ng December 1, ito na po ‘yan. ‘Yong laws of demand and supply… Tataas po ang demands sa Christmas season. December 1, nagkakaroon na po ‘yan ng Christmas parties—alam po ‘yan ng mga native farmers, native pig farmers. ‘Yan lang po ang opportunity nila para itaas [ang presyo],” pagsiwalat niya. “Hindi naman tumataas ang presyo ng feeds nila, ‘di ba? Kaya lang ‘yong laws of demand…tinataas po kaagad nila.”
Kaugnay sa agam-agam ng publiko dahil sa posibleng panganib na dala ng African Swine Fever (ASF), nilinaw ni Ferreros na sinisiguro nilang disinfected ang kani-kanilang operation areas upang matiyak na ligtas ang mga lechong ibebenta.
“Nakita ko rin ang comments ng mga publiko regarding sa approval ng Quezon City to operate na. Honestly po, upon checking, ‘yong labing-apat po ay may apat [doon] na infected [ng African Swine Fever] ASF. Apat lang po, take note ‘yong sampu wala naman—kasi hindi naman ‘yan airborne,” anang lechonero.
“Upon closing po, nag-disinfect kami every day. Gumagastos po kami ng P2,000 bawat isang slaughter house owner, bawat tindahan, 2,000 sprayers na. Lahat ‘to, every inch [and] every space of our house and stockyard ay ini-spray-an po. Kasama na rin po ang aming roasting area…for 15 days, every day,” pagtatapos niya.
Matatandaang inanunsyo ng Quezon City local government noon lamang Huwebes, Nobyembre 27, na ASF-free na ang 14 na lechunan sa La Loma.
MAKI-BALITA: Mga lechon sa La Loma, ASF-free na!-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA