Nagbigay ng babala si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., sa mga umano’y puganteng nasa labas ng Pilipinas na umuwi dahil hinahabol na sila ng batas.
Ayon sa inilabas na video statement ni PBBM sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Nobyembre 28, sinabi niyang hindi raw maaaring gamitin ng mga pugante ang mga sasakyan nila na mula sa kaban ng bayan para magtago sa labas ng bansa.
“Kailangan nating [ipaalam] sa lahat ng mga pugante, hindi puwedeng gamitin ang mga ari-arian na galing sa kaban ng bayan na ninakaw ninyo para tumakas o umiwas sa batas,” aniya.
Pagdidiin pa ng Pangulo, “You cannot steal from Filipino people and expect to hide or fly away on your private jets.”
Pagpapatuloy pa ni PBBM, maaari raw tumakbo ng mga nasabing pugante gamit ang kanilang pera ngunit hindi umano makakatakas ang mga ito sa Republika ng Pilipinas.
“You have the money to run but you cannot outrun the Republic of the Philippines,” saad niya.
Nagawa ring hikayatin ni PBBM na umuwi na ang mga hindi niya pinangalanang “pugante” sa bansa.
“Kaya kayong mga pugante, umuwi na kayo. Ang payo ko sa inyo, hindi na kayo turista, hinahabol na kayo ng batas,” pagtatapos pa niya.
Samantala, sa parehong video statement ng Pangulo, iniulat din niyang pinababantayan na niya ang mga air assets ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co na umano’y nasa Malaysia at Singapore.
Pinasiguro umano ni PBBM na hindi magagalaw ang mga naturang air assets ni Co sa Department of Transportation (DOTr) at Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) na hindi magagalaw ang mga ito.
MAKI-BALITA: PBBM, pangarap daw na wala nang Pilipinong gutom pagkatapos ng panunungkulan
MAKI-BALITA: PBBM, nakausap si Zelenskyy; pinalalakas relasyong PH-Ukraine?
Mc Vincent Mirabuna/Balita