Suportado ng higit 80 simbahan mula sa iba’t ibang parte ng bansa ang malawakang “Trillion Peso March Movement” sa darating na Linggo, Nobyembre 30, ayon sa non-profit group na Caritas Philippines.
Sa kanilang Facebook page nitong Biyernes, Nobyembre 28, ibinahagi nilang 86 simbahan mula sa mga rehiyon ng Luzon, Visayas, at Mindanao ang nakikiisa sa panawagan ng pananagutan sa pamahalaan.
“A total of 86 dioceses and counting!—are now united in support of the Trillion Peso March. Isang napakalakas na panawagan para sa katotohanan, pananagutan, at tunay na transparency. Tuloy ang pagkakaisa. Tuloy ang laban. ” saad ng Caritas.
Dagdag pa nila para maipanalo ang umano’y laban na ito ng sambayanang Pilipino laban sa katiwalian, panawagan nilang mailantad at makulong ang mga kurakot at maibalik ang pera ng bayan.
“Sama-sama sa iisang panawagan:
Ilantad ang mga kriminal.
Ibalik ang pera ng bayan.
Ikulong ang mga kurakot.
Para ipanalo ang sambayanang Pilipinas,” anila.
Ilan sa mga makikiisa ay ang Archdiocese of Manila mula sa National Capital Region (NCR), Archdiocese of Caceres, Diocese of Libmanan, at Apostolic Vicariate of Taytay, mula sa Luzon.
Ang Archdiocese of Jaro, Diocese of Bacolod, at Diocese of Naval mula sa Visayas.
Ang Archdiocese of Cotabato, Diocese of Butuan, at Diocese of Tandag mula sa Mindanao.
Sean Antonio/BALITA