Ibinahagi sa publiko ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., ang pagbabalik ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) District Engineer Henry Alcantara ng milyon-milyong halaga sa gobyerno.
Ayon sa inilabas na video statement ni PBBM sa kaniyang Facebook account nitong Biyernes, Nobyembre 28, sinabi niyang naibalik na ni Alcantara ang ₱110 milyong nakulimbat umano niya sa maanomalyang flood-control projects sa DPWH.
“Isa pang development din po, ngayong araw din, kinumpirma ng DOJ na si Henry Alcantara ay nagbalik na ng ₱110 million sa gobyerno,” pagsisimula niya.
Dagdag pa ng Pangulo, inaasahang magbabalik pa ng halagang ₱200 milyon si Alcantara sa susunod na dalawang (2) Linggo.
“At sa loob ng dalawang Linggo, magbabalik pa ng ₱200 million,” aniya.
Anang Pangulo, layunin umano ng gobyerno na maibalik ang “lahat” ng mga salapi, asset, at indibidwal na responsable sa flood control anomalies.
“This government intends to bring back every peso, every asset, every person responsible and return it to the Filipino people,” pagdidiin niya.
Samantala, hinikayat din ni PBBM sa pareho niyang video na umuwi na umano ang mga puganteng nagtatago sa labas ng bansa.
MAKI-BALITA: 'Kayong mga pugante umuwi na kayo, hinahabol na kayo ng batas'—PBBM
“Kailangan nating [ipaalam] sa lahat ng mga pugante, hindi puwedeng gamitin ang mga ari-arian na galing sa kaban ng bayan na ninakaw ninyo para tumakas o umiwas sa batas,” ‘ika niya.
Pagdidiin pa ng Pangulo, “You cannot steal from Filipino people and expect to hide or fly away on your private jets.”
Nagawa ring hikayatin ni PBBM na umuwi na ang mga hindi niya pinangalanang “pugante” sa bansa.
“Kaya kayong mga pugante, umuwi na kayo. Ang payo ko sa inyo, hindi na kayo turista, hinahabol na kayo ng batas,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: PBBM, pangarap daw na wala nang Pilipinong gutom pagkatapos ng panunungkulan
MAKI-BALITA: PBBM, nakausap si Zelenskyy; pinalalakas relasyong PH-Ukraine?
Mc Vincent Mirabuna/Balita