December 21, 2025

Home BALITA Internasyonal

Fitness coach, inatake sa puso matapos lumantak ng junk foods

Fitness coach, inatake sa puso matapos lumantak ng junk foods
Photo courtesy: dmitryfit (IG)

Inatake sa puso ang isang fitness coach at influencer matapos umano lumantak ng junk foods para magdagdag ng timbang.

Ito ay para ipakita sa followers niya na epektibo umano ang kaniyang weight-loss program. 

Ayon sa ulat ng international news outlets noong Huwebes, Nobyembre 27, nagsagawa ng "food marathon challenge" ang Russian fitness coach na si Dmitry Nuyanzin, na naglalayong madagdagan ng 25kg ang kaniyang timbang. 

Ang ginawa niya, kumain siya ng mga junk food. 

Internasyonal

Pope Leo XIV sa paparating na Pasko: 'Find one person with whom to make peace'

Sa una niyang social media update tungkol sa food challenge noong Oktubre 21, ibinahagi niyang para mabuo ang kaniyang 10,000-calorie diet, mayroon siyang pastries at kalahating cake sa agahan. 

Sa tanghalian naman ay 800 grams ng dumplings at mayonnaise, at sa hapunan ay burger at dalawang maliit na pizza. 

Sa maghapon, sinadya rin ng fitness coach na kumain pa ng mga tsitsirya. 

Sa huli niyang update noong Nobyembre 18, ibinahagi niyang umakyat na sa 105kg ang kaniyang timbang, at sa pamamagitan nito, layon niya pang hikayatin kaniyang followers na sundan ang weight-loss journey niya. 

Gayunpaman sa kasagsagan ng food challenge, naiulat may mga pagkakataong nagkansela na ng ibang training session si Nuyanzin dahil hindi na raw maganda ang nararamdaman nito sa katawan. 

Sa kasamaang palad, naiulat na tumigil ang puso ni Nuyanzin habang natutulog ito. 

Bago pumanaw sa edad na 30, si Nuyanzin ay nakapagtapos ng kaniyang pag-aaral sa Orenburg Olympic Reserve School at National Fitness University in St. Petersburg sa Russia, at kalauna’y nagkaroon ng 11 taong karanasan bilang fitness professional. 

Sean Antonio/BALITA