Ibinasura ng International Criminal Court (ICC) ang inihaing interim release ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na kasalukuyang nakapiit sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.
Sa isinagawang pagdinig ng ICC Appeals Chamber nitong Biyernes, Nobyembre 28, tatlong apela ng kampo ni Duterte ang ibinasura nito, dahilan upang patuloy ang pagkakakulong ni Duterte sa nasabing bansa.
“The appeals chamber unanimously confirms the impugned decision,” saad ni Presiding Judge Luz Del Carmen Ibañez.
Hindi nagawang makasipot ng dating Pangulo sa pagbasa ng desisyon kaugnay sa kaniyang interim release batay na rin sa isinumite niyang waiver.
Humarap naman si Atty. Nicholas Kaufman sa appeals chamber bilang legal counsel ni Duterte.
Matatandaang Nobyembre 15 nang muling umapela ang kampo ni Duterte ng “immediate” at “unconditional release” sa ICC.
Maki-Balita: Kampo ni FPRRD, umapela sa ICC ng kaniyang immediate, unconditional release!
Bago pa man ito ay tinanggihan na rin ng ICC ang pansamantalang kalayaang inapela para sa humanitarian reasons ng dating pangulo noong Oktubre.
Maki-Balita:'Rejected!' 'Humanitarian reasons para sa interim release ni FPRRD, 'di pinayagan ng ICC
Iginagawad ng ICC ang interim release para sa pansamantalang kalayaan ng kanilang mga bilanggo na hindi nakikitaan ng panganib na takasan ang kaso, ilagay sa peligro ang imbestigasyon, o gawing muli ang krimeng inakusa sa nasasakdal.