Inanunsyo ng Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Huwebes, Nobyembre 27, 2025, na nakatanggap ang Philippine Consulate General sa Hong Kong ng mga hindi pa beripikadong ulat na may ilang Pilipinong posibleng na-trap sa malagim na sunog na nangyari sa nasabing bansa.
Ayon sa DFA, wala pang Pilipinong napaulat na namatay o nasugatan sa insidente sa kasalukuyan.
“May na-receive sila na unverified information na posibleng may mga Filipino pa na na-trap sa mga building at agad-agad nilang sinabi ito sa mga awtoridad," ani DFA spokesperson Asec. Angelica Escalona sa panayam sa Unang Balita.
Sa isang hiwalay na pahayag naman, sinabi ni Consul General Germinia Aguilar-Usudan Escalona na patuloy ang koordinasyon ng konsulado sa Hong Kong Police Force at handang tumulong sa anumang Pilipinong maaaring naapektuhan o nasugatan sa sunog.
“Efforts by the Hong Kong Fire Services Department to contain the fire are still ongoing,” saad ni Escalona.
Dagdag pa niya, “Due to the scale and intensity of the fire, it will take time before the extent of the damage and number and nationality of the victims are fully determined.”
Naglabas din ng abiso ang Department of Migrant Workers (DMW) at hinikayat ang mga Pilipino sa Hong Kong na ipagbigay-alam sa mga kinauukulang opisina ng Pilipinas kung may alam silang kapwa Pinoy na naapektuhan ng insidente.
“Ang Philippine Consulate General in Hong Kong, Migrant Workers Office Hong Kong at OWWA Hong Kong ay nanawagan sa mga kababayan natin dito sa Hong Kong na ipagbigay alam kaagad sa aming tanggapan kung may alam silang kababayan natin na apektado sa sunog sa Tai Po,” anang DMW.
Ayon sa ulat ng pulisya, ang sunog—na kumitil ng hindi bababa sa 44 katao at halos 300 pa ang nawawala.
Hindi pa tukoy ang sanhi ng sunog, ngunit sinabi ng pulisya na mas pinalala ito ng green construction mesh at bamboo scaffolding—mga materyales na bahagi noon ng tradisyunal na Chinese architecture ngunit unti-unti nang tinatanggal sa Hong Kong mula Marso dahil sa panganib sa kaligtasan.
Ayon sa public broadcaster na RTHK, tatlong lalaki ang inaresto ng pulisya dahil sa suspetsa ng manslaughter kaugnay ng sunog, ngunit wala nang inilabas na karagdagang detalye.