Kinuwestiyon ni Sen. Rodante Marcoleta sa naging budget deliberation ng Department of Transportation (DOTr) ang pagkakatalaga kay Asec. Markus Lacanilao bilang hepe ng Land Transportation Office (LTO).
Ayon sa naging pagdinig ng DOTr budget deliberation nitong Huwebes, Nobyembre 27, direktang tinanong ni Marcoleta kung kabayaran ba umano ang pagkakatalaga kay Lacanilao sa nasabing puwesto dahil sa paghahatid nito kay dating Pangulong Rodrigo Duterte sa The Hague, Netherlands. “Dahil ba kayo po ay inihatid n’yo ang dating Pangulong Duterte sa The Hague, Ito po ba ang kabayaran, Mr. President? Ito ba’y premyo?” kuwestiyon ni Marcoleta.
Paliwanag naman niya, “Kasi kailangan nating ma-disabuse po ang pagdududa ng mga kababayan natin. Hindi naman po kayo ang dapat maghatid sa kaniya roon, e.”
Ayon naman kay Ejercito, sinabi rin mismo ni Lacanilao na kasama umano ito sa paghahatid sa dating pangulo.
Buwelta naman ni Marcoleta, “authorize” ba raw noon si Lacanilao na maghatid kay FPRRD noon.
“Ang tinatanong po, kayo po ba ang authorize na dapat sumama na maghatid sa hindi tamang pagkakahatid sa dating pangulo. And what authority did you accompany the former president to The Hague, Netherlands?”
“Does he mean, Mr. President, he’s the local counterpart of the Interpol in the Philippines?” pagtatanong pa niya.
Ayon kay Marcoleta, hindi raw totoo na mas mataas pa si Lacanilao sa Philippine Center for Transnational Crimes (PCTC).
Giit niya, mas nararapat daw na ang head ng PCTC ang kasamang naghatid kay FPRRD sa The Hague noon.
“The PCTC is the Philippine Center for Transnational Crimes. Kaya hindi po totoo na he’s on top of transnational crime. Kayo po ay special envoy but the local counterpart of the Interpol is PCTC,” saad ni Marcoleta.
“It should have been the director of the PCTC who should have accompanied the former president even if we assume that was regular,” pagdidiin pa niya.
Depensa naman ni Ejercito kay Marcoleta, ayon daw kay Lacanilao, head umano ito ng Office of the Special Envoy on Transnational Crime kung saan nasa ilalim nito ang PCTC kaya awtorisado rin ang pagsama niya upang ihatid si FPRRD sa The Hague noon.
Samantala, humingi naman ng dokumento si Marcoleta na magpapatunay umano ng naging depensa ni Lacanilao at pinaliwanag ni Ejercito na nasa Office of the Executive Secretary ang hinihinging mga papeles ng kausap na senador.
MAKI-BALITA: Ex-Pres. Duterte, nasa kustodiya na ng ICC
MAKI-BALITA: Kitty Duterte, naghain ng 'Urgent Motion' sa Korte Suprema sa agarang pagbalik kay FPRRD sa Pilipinas
Mc Vincent Mirabuna/Balita