January 26, 2026

Home BALITA

Rep. Gardiola, pinasinungalingan alegasyong kaugnay siya sa flood control scam

Rep. Gardiola, pinasinungalingan alegasyong kaugnay siya sa flood control scam
Photo courtesy: Edwin Gardiola/FB


Mariing itinanggi ni Construction Workers Solidarity Partylist Rep. Edwin Gardiola ang mga alegasyong may kinalaman umano siya sa malawakang korapsyon hinggil sa maanomalyang flood control projects sa bansa.

Kaugnay ito sa isinumiteng joint referral ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman noong Miyerkules, Nobyembre 26, kung saan isa si Gardiola sa mga pinakakasuhan ng komisyon hinggil sa kaugnayan umano niya sa flood control scam.

MAKI-BALITA: ICI, inirerekomenda pagkaso sa 8 dati, kasalukuyang solong sangkot sa flood control scam-Balita

Sa ibinahaging social media post ni Gardiola nitong Huwebes, Nobyembre 27, mababasang siya raw ay nalungkot nang mapag-alamang nadawit ang kaniyang pangalan sa isyung ito.

“Nalungkot ako nang marinig na nabanggit ang aking pangalan kahapon ukol sa diumano’y iregularidad sa mga proyekto ng flood control. Masakit na madamay sa ganitong usapin—hindi lamang para sa akin, kundi lalo na para sa mga taong ipinangako kong pagsisilbihan nang may integridad,” panimula ni Gardiola.

“Mariin kong itinatanggi ang anumang kaugnayan sa mga paratang na ito. Ang mga pahayag na ito ay walang katotohanan,” pagpapatuloy niya.

Handa rin daw siyang harapin ang mga alegasyon patungkol sa kaniya, ngunit dapat ito raw ay nakaayon sa tamang proseso at pagdinig.

“Bilang lingkod-bayan, may pananagutan ako sa sambayanang Pilipino. Kaya’t buong puso kong tinatanggap ang pagkakataong harapin ang mga bintang at paratang sa akin, ngunit sa tamang proseso at sa loob ng mga pagdinig na igagalang ang aking mga karapatan ayon sa Saligang Batas. Pananagutan ko ito sa aking mga kababayan, sa aking pamilya, at sa taong-bayan na linisin ang aking pangalan sa wastong paraan,” saad ni Gardiola.

“Ang aking paglilingkod ay laging ginagabayan ng malasakit at hindi ng pansariling interes. Mananatili akong tapat sa misyong iyon, at naniniwala ako na sa huli, mananaig ang katotohanan at katarungan,” pagtatapos niya.

Photo courtesy: Edwin Gardiola/FB

Matatandaang naglabas din ng pahayag si Uswag Ilonggo Partylist Rep. James “Jojo” Ang Jr. patungkol sa parehong isyu. Aniya, kumpiyansya siyang malilinis ang kaniyang pangalan matapos ding madawit sa isyu ng flood control.

“My conscience is clear. I am confident that I will be able to clear my name soon. My resolve for truth to come out is stronger and clearer,” saad ni Cong. Ang Jr. sa ibinahaging social media post ng Uswag Ilonggo Partylist noong Miyerkules, Nobyembre 26.

MAKI-BALITA: 'My conscience is clear!' Cong. Jojo Ang Jr., kumpyansang malilinis pangalan sa flood control issue-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA