Tila kumpiyansa umano si Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Vince Dizon na malapit nang makuhanan ng mugshot at liliit na raw ang mundo ni dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co.
Ayon sa naging panayam ng True FM kay Dizon nitong Miyerkules, Nobyembre 27, sinabi niyang tila malapit na rin daw magkaroon ng mugshot sa awtoridad si Co.
“Tingin ko po, paparating na po ‘yan. Halimbawa po kay former Congressman Zaldy Co,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Siguro wala naman pong makakapagsabi na maliit si former Congressman Zaldy Co. Ang ating problema lang ay nasa abroad po siya.”
Ani Dizon, hinihintay na lamang daw nila ang desisyon ng Sandiganbayan sa pagkansela ng pasaporte ni Co ayon na rin utos ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
“Pero once na, halimbawa po kahapon [inanusyo] na rin po ng ating Pangulo, na makakasenla na rin po pasaporte ni former Congressman Zaldy Co. Hinihintay na lang po natin ang order ng Sandiganbayan,” aniya.
Pagdidiin pa niya, “Once na nangyari na po ‘yon, tingin ko liliit na ang mundo ni former Zaldy Co dahil hindi na siya freely makakaikot.”
Anang Secretary, nakikipag-ugnayan rin umano ang mga awtoridad ng Pilipinas sa maraming law enforcement ng ibang bansa para matunton ang kinaroroonan ni Co kagaya ng umano’y naging proseso nila para mahuli si dating Congressman Arnie Teves.
“Makikipag-cooperate na rin po ang ating law enforcement sa iba’t ibang law enforcement sa ibang bansa. Kagaya ng ginawa kay former Congressman Arnie Teves na nahuli din naman po eventually,” paliwanag niya.
Bukod pa rito, sinabi rin ni Dizon na mayroon na rin daw silang walong (8) congressmen na inirekomendang kasuhan kaugnay sa pagmamay-ari ng mga ito na construction company na mayroong daan-daang kontrata sa DPWH.
“Mayroon na po tayong ni-refer kahapon kasama ang ICI recommending cases against eight (8) congressmen na mayroong allegedly pagmamay-ari ng mga construction company na may daan-daang kontrata sa DPWH,” pagtatapos pa niya.
Samantala, hindi naman binanggit ni Dizon ang pagkakakilanlan ng mga nasabing congressmen at wala pa ring inilalabas na pahayag si Co sa isinaad ng naturang Kalihim.
MAKI-BALITA: 'Huwag nang patagalin pa!' PBBM, pinabibilisan na pag-aresto kina Co, atbp.
MAKI-BALITA: DPWH, ICI nagrekomendang kasuhan ng graft, plunder, indirect bribery sina Romualdez, Co
Mc Vincent Mirabuna/Balita