Inanunsyo ng content creator na si Jeraldine Blackman na opisyal na niyang binago ang pangalan at branding ng kaniyang social media accounts, matapos ang kumpirmasyong hiwalay na sila ng kaniyang mister, na dati’y kasama sa tinaguriang “The Blackman Family.”
Sa inilabas niyang pahayag sa Instagram account nitong Martes, Nobyembre 26, sinabi ni Jeraldine na mula sa "The Blackman Family," lahat ng social media pages niya ay tatawagin na bilang “Jeraldine, Jeronimo & Jorjette” na tumutukoy sa kaniya at sa dalawa niyang anak.
“Our page is now officially Jeraldine, Jeronimo & Jorjette, Instagram, TikTok, and YouTube have all been updated this morning, and Facebook will follow in the coming days,” aniya.
Nagpasalamat din siya sa mga patuloy na sumusuporta sa kaniya at sa kaniyang mga anak. Ayon kay Jeraldine, masaya raw ang mga bata sa pagbabago, at si Nimo pa mismo ang nakaisip ng bagong pangalan ng kanilang page.
"Thank you so much to everyone who has supported us and stayed on this journey — we appreciate you more than you know. The kids are so excited about the change too, and fun fact… it was actually Nimo who came up with the name!" aniya.
Oktubre 25, emosyunal na ibinahagi ni Jeraldine ang tungkol sa ideya ng pagpapalit ng pangalan ng kanilang page, matapos ang nangyaring hiwalayan ng mister niyang si Joshua Blackman.
Hindi na rin nagbigay ng iba pang mga detalye si Jeraldine kung bakit sila naghiwalay ni Joshua. Nilinaw niyang wala raw third party sa naging relasyon nilang dalawa.
Ibinahagi rin ni Jeraldine kung paano nabuo ang pangalan ng social media pages, na sinundan at sinubaybayan ng milyong followers nila. Hindi rin daw biro ang mga pinagdaanan niya para lamang mag-isip, gumawa, at mag-edit ng original content.
Pero sa isang iglap lang, hindi raw akalain ni Jeraldine na mangyayari ang hiwalayan nila ni Josh, at mabubuwag na rin ang pangalan ng kanilang social media pages.
Inihayag ni Jeraldine na mas marami pa silang ibabahaging content, alaala, at masasayang sandali sa bagong yugto ng kanilang buhay.