Nagpaabot ng pakikiramay si Vice President Sara Duterte kaugnay sa pagpanaw ng barangay captain sa Davao del Sur na binaril habang naka-live sa Facebook.
Ayon sa isinapubliko pahayag ni VP Sara sa kaniyang Facebook post nitong Huwebes, Nobyembre 27, sinabi niyang matinding galit at dalamhati ang nararamdaman niya sa pagpaslang kay Brgy, Captain Oscar Bucol, Jr., ng Tres De Mayo, Digos City, Davao del Sur.
“Ipinahahayag ko ang matinding galit at dalamhati sa pagpaslang sa Brgy. Kapitan ng Tres De Mayo, Digos City na si Oscar Bucol Jr., o mas kilala bilang Kap Dodong,” pagsisimula niya.
Photo courtesy: Inday Sara Duterte (FB)
Dagdag pa niya, “Ginampanan lamang ni Kap Dodong ang kanyang karapatang magsalita sa korapsyon at pulitika ng malaya at ito ay pinatahimik gamit ang baril at bala.”
Anang VP, muli raw nilang pagtitibayin ang kanilang paninindigan para protektahan ang mga karapatan at kalayaang magsalita at makibahagi ng isang tao sa lipunan nang walang pangamba.
“Ipinapaabot namin ang aming pakikiramay sa pamilya, mga kasamahan, at komunidad na naapektuhan ng trahedyang ito. Sa pag-alala sa kanya, muli naming pinagtitibay ang aming paninindigan na protektahan ang mga karapatan at kalayaang nagbibigay-daan sa lahat na magsalita, magtanong, at makibahagi nang walang pangamba,” aniya.
“Hindi tayo yuyuko kailanman,” pagtatapos pa ni VP Sara.
Bukod dito, matatandaan ding inanunsyo ng Davao del Sur Police Provincial Office noong Miyerkules, Nobyembre 26, 2025, na aabot sa ₱2 milyon ang kabuuang pabuyang iniaalok para sa impormasyon na magtuturo sa mga responsable sa pagpatay sa isang barangay captain sa Digos City.
MAKI-BALITA: VP Sara, nag-ambag ng ₱1M sa pabuya para maturo suspek na bumaril sa kapitan habang naka-FB Live
Ayon kay Police Captain Sheila May Pansoy, tagapagsalita ng Davao del Sur Police Provincial Office, ₱1 milyon sa naturang halaga ay mula kay VP Sara.
Naglaan naman si Governor Yvonne Cagas ng ₱500,000 para sa impormasyon na tutukoy sa gunman, at karagdagan ₱ P500,000 para sa impormasyon laban sa utak ng krimen.
Sinabi ni Pansoy na mayroon na silang mga natukoy na persons of interest.
Batay sa pulisya, posibleng persons of interest ang mga indibidwal na dati nang binanggit ng biktima sa kaniyang mga naunang social media posts.
MAKI-BALITA: VP Sara, nag-ambag ng ₱1M sa pabuya para maturo suspek na bumaril sa kapitan habang naka-FB Live
Mc Vincent Mirabuna/Balita