Hinatulan ng 14 na taong pagkakakulong ang dating Pangulong Martin Vizcarra ng Peru matapos siyang mapatunayang tumanggap umano ng suhol mula sa mga construction firm kapalit ng mga kontrata sa imprastraktura noong siya’y gobernador pa ng Moquegua mula 2011 hanggang 2014.
Batay sa ulat ng international news outlets, ayon sa korte, umabot sa $676,000 ang kabuuang halagang tinanggap ni Vizcarra.
Mariing itinanggi ng dating pangulo ang mga paratang, sinabing siya’y biktima ng “political persecution.”
Sa isang post sa X, binatikos niya ang hatol. Aniya, "Me han sentenciado por enfrentar al pacto mafioso. No es justicia, es venganza. Pero no me van a doblegar. La respuesta está en las urnas. Mi hermano Mario Vizcarra continuará esta lucha por ustedes. El Perú es primero y nadie podrá silenciarlo."
Salin nito sa Ingles, "I have been sentenced for confronting the mafia pact. This is not justice, it is revenge. But they will not break me. The answer lies in the ballot box. My brother, Mario Vizcarra, will continue this fight for you. Peru comes first, and no one will be able to silence it.”
Photo courtesy: Martin Vizcarra/X
Bukod sa 14 taong pagkakakulong, kasama rin umano sa hatol ang 9 na taong pagbabawal kay Vizcarra na humawak ng anumang pampublikong posisyon.
Nagpasa na rin umano ang kaniyang legal team ng apela sa desisyon.
Sa ibang balita, inanunsyo naman ng nakatatanda niyang kapatid na si Mario Vizcarra ang pagtakbo niya sa 2026 presidential elections, kung saan nagsilbi rin si Martin bilang pangunahing tagapayo ng partidong Peru First.
Sa kasalukuyan, patuloy ang political turmoil sa Peru, na nagkaroon na ng anim na presidente simula 2018 dahil sa sunod-sunod na impeachment at resignation. Inaasahang dadalhin si Vizcarra sa isang piitan sa Lima kung saan nakakulong din ang tatlo pang dating lider ng bansa: sina Alejandro Toledo, Ollanta Humala, at Pedro Castillo.