Inalay ng aktor na si Elijah Canlas sa kaniyang kapatid ang binuong non-profit organization na nagbibigay pagpapahalaga sa mental health ng kabataang Pilipino.
Sa panayam kay Elijah sa GMA Integrated News noong Miyerkules, Nobyembre 26, ibinahagi niyang layon ng “KULIT” o “Kalinga, Unawa, at Linang sa Isip at Taglay,” na bigyang kamalayan ang publiko sa importansya ng mental health.
“We should talk about mental health more, ‘yon po ang layunin namin sa “KULIT” organization,” saad ni Elijah.
Sa likod din daw ng pangalan ng organisasyon, binanggit ng aktor na nanggaling ito sa kapilyuhan at palabirong taglay ng kapatid na si JM noong nabubuhay pa ito.
"I used to call JM, my brother, Kulit, kasi sobrang kulit po niya. Sobrang masayahin, sobrang palabiro, pilyo, lahat na, kaya ‘Kulit 'yong nickname niya sa pamilya and close friends,” ani Elijah.
“Kaya 'yon nga eh, 'di ba, 'yong makukulit, you never know what they're really going through," dagdag pa niya.
Binanggit din niya na nagsasagawa sila ng iba’t ibang gawain sa organisasyon tulad ng art therapy, sports therapy, at seminars para naman sa mga magulang, bilang parte ng kanilang adbokasiya sa mental health awareness.
“We focus on mental health awareness, and we focus on art therapy and sports therapy, kasi si JM ay varsity ng badminton, so dinadaan namin sa sports through fundraising , and sometimes makabuo ng enough funding para makapagbigay ng libreng therapy sa mga adolescence,” saad ni Elijah.
“Siyempre seminar for parents para maging aware sila paano ba i-handle ‘to,” dagdag pa niya.
Dahil na rin mas babad na sa teknolohiya ang kabataan sa kasalukuyang panahon, hinikayat ng aktor ang mga ito na kausapin ang malalapit na kaanak at kaibigan, o magtungo sa isang mental health professional kapag may pinagdadaanan.
“You can be triggered by anything, everything’s accessible to us, information, communication, lahat ‘yan, in the palm of our hands. Kung kayo [kabataan] ay dumadaan dito, sana wag kayong matakot na mag-open up to your loved ones, to your friends, and maybe seek professional help kung hindi na kaya,” panghihikayat ni Elijah sa kabataan.
“If may kakilala kayong pinagdadaanan ‘to, please be there for them. It’s the least we could do,” aniya pa.
Sa kasalukuyan, nagpo-promote ng kaniyang pelikulang “KMJS' Gabi ng Lagim: The Movie” ang aktor, na binuo ng GMA Pictures at GMA Public Affairs.
Sa kaugnay na ulat, pumanaw ang nakababatang kapatid ni Elijah na si JM noong Abril 2023, sa edad na 17.
Sa Facebook post ng isa pa nilang kapatid na si Jerom, inalala niya ang naging maikli ngunit makabuluhang buhay ni JM.
“Jm, as he was known to many, was a talented actor, athlete, musician, singer, debater, and gamer. He was always a proud Filipino with a bias and compassion for the poor and oppressed. But most of all, JM will forever be remembered as an incredible young man, son, brother, grandson, nephew, cousin, student, and friend,” saad ni Jerom sa kaniyang post.
“In his adolescence, JM struggled with his mental health. If you are experiencing current distress and are in need of URGENT ATTENTION, please proceed to the emergency room of the hospital nearest you,” aniya pa.
Sean Antonio/BALITA