Lagi’t laging ibinubuhos ng isang tao ang dedikasyon niyang abutin ang pangarap alang-alang sa pinakamamahal niyang indibidwal sa mundo.
Dahil kung minsan ay hindi na lang ito basta para lang sarili kundi para na rin sa mga taong hindi kailanman nagduda sa kakayahan mong umigpaw sa natatangi mong potensyal.
At bilang minsang naging bata, hindi maikakailang natutunan mo na ring pangarapin ang anomang propesyon halimbawa ng pagiging guro, sundalo, inhinyero, doktor, o nurse.
Nitong Huwebes, Nobyembre 27, inilabas na ng Professional Regulation Commission (PRC) ang resulta ng Nurses Licensure Examination.
Ayon sa tala ng PRC, umabot sa 40,692 ang pumasa sa nasabing exam sa 45,192 na nag-take ito.
Isa na rito si Shy mula sa Biñan, Laguna, at kinaantigan ng netizens ang inupload niyang video sa TikTok, matapos niyang pumasa nito ring Huwebes, tungkol sa kaniyang Lolo Nards.
Photo courtesy: Shy Yedra (TIKTOK)
Sa naturang video, makikita ang pagbabalita ni Shy sa kaniyang lolo ng pagpasa niya sa NLE at ang pagiging emosyonal ni Lolo Nards nang marinig ito.
Sa eksklusibong panayam g Balita kay Shy nito ring Huwebes, Nobyembre 27, ibinahagi niya ang kuwento sa naging pag-sorpresa niya sa kaniyang Lolo Nards.
“Lumabas na po ‘yong resulta nang three (3) something AM. Pero since wala nga siyang maayos na tulog, hinayaan muna namin siyang matulog,” pagsisimula ni Shy.
“Pero sabi ko sa pinsan ko, gusto ko, ako ‘yong unang magsasabi. Tinawagan ko ‘yong pinsan ko nang early morning tapos sinabi ko sa kaniya na RN [Registered Nurse] na ako,” dagdag pa niya.
Ani Shy, masaya raw siya sa pagpasa niya dahil ayaw niyang ma-disappoint si Lolo Nards.
“Syempre masaya kasi these past few weeks noong waiting seasons sa result, sobrang kinakabahan kasi syempre hindi ako sure. Tapos siya din ‘yong iniisip ko. Ayaw kong ma-disappoint siya kasi siya ‘yong parang gusto kong pinakama-proud sa akin except sa parents ko,” aniya.
Hindi na rin daw napigilan ni Shy ang maging emosyonal nang makitang umiiyak si Lolo Nards sa ibinalita niya.
“Nong makita ko siyang umiiyak na nang sinabi ko ‘yong balita sa kaniya, sobrang naiyak na rin ako kaya,” pagbabahagi niya.
Pagpapatuloy ni Shy, inaalay raw niya kay Lolo Nards ang pagkapasa niya sa NLE dahil ito rin ang tumulak sa kaniyang magpatuloy nang magbalak siyang tumigil sa pag-aaral noon.
“Dini-dedicate ko talaga itong achievement ko na ito sa lolo ko kasi siya kasi ‘yong pinaka-favorite kong tao sa buong mundo. Siya ‘yong lifeline ko. Dahil sa kaniya kung bakit ako nagpatuloy,” ayon kay Shy.
“Maraming beses na akong nag-isip na tumigil sa pag-aaral para mag-work na lang pero siya ‘yong nag-push sa akin na ipagpatuloy ko lang ‘yong pag-aaral ko,” pagtatapos pa niya.
Samantala, aabot na ngayon sa 435k views at humigit-kumulang 100k reactions ang naturang video ni Shy sa TikTok mahigit walong (8) oras nang inupload niya ito.
Mc Vincent Mirabuna/Balita