December 13, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Paano malalaman kung ang ginagawa mo ay “Simbang Gabi” o “Simbang Tabi?”

ALAMIN: Paano malalaman kung ang ginagawa mo ay “Simbang Gabi” o “Simbang Tabi?”
Photo courtesy: MB


Tuwing sasapit ang panahon ng Kapaskuhan, kultura na ng mga Pilipino na lagyan ng samu’t saring dekorasyon ang bawat sulok ng tahanan, magbigayan ng regalo, at maghanda ng masasarap na pagkain.

Kasama na rin dito ang pagsasama-sama ng pamilya, kantahan at sayawan, pati ang pangangaroling.

Ngunit kung pag-uusapan ay ang pinakatanyag na tradisyon tuwing Pasko sa Pilipinas, hindi mawawala sa usapan ang “Simbang Gabi.”

Ano nga ba ang konsepto at kahulugan ng Simbang Gabi?

Ayon sa Spot PH, ang “Simbang Gabi” ay tumutukoy sa tradisyon na kung saan nagsisimba ang mga Pilipino mula Disyembre 16 hanggang 24, kadalasa’y bago sumikat ang araw.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens



May paniniwala ang mga Pilipino na mahalaga ang pagdalo sa simbang gabi sapagkat ito ay parte ng selebrasyon ng Kapaskuhan sa bansa. Ito rin daw ay naiiugnay sa siyam na araw ng prusisyon at nobena.

Ang “pagtupad sa kahilingan” matapos makumpleto ang Simbang Gabi

May paniniwala na ang pagkumpleto sa siyam na gabi ng pagdalo sa simbang gabi ay isang pribilehiyo upang makahiling sa Diyos ng kung ano man ang iyong naisin.

Ayon pa rito, ang hiniling daw ay talagang ibibigay ng Diyos.

“Simbang Gabi” vs “Simbang Tabi”

Ang simbang gabi ay pinaniniwalaang isang paraan din upang magkasama-sama ang pamilya, at magkaroon ng mas matibay na ispiritwal na koneksyon. Sa pagsunod sa tradisyong ito, isinasapuso ng isang indibidwal ang tunay na diwa ng okasyong ito, at sinisigurong ito ay para sa kadakilaan ng Panginoon.

Ngunit sa paglipas ng panahon, tila ba ginagamit na rin ang simbang gabi sa iba’t ibang uri ng dahilan.

Matunog ang mga katagang “simbang tabi” tuwing ipinagdaraos ang mga misa sa simbang gabi.

Ginagamit ito ng mga karamihan bilang isang konsepto para sa mga dumadalo nga sa misa, ngunit hindi naman talaga isinasapuso ang diwa at tunay na dahilan nito.

Madalas ito sa mga kabataang pumupunta lamang sa simbahan upang kitain ang kanilang mga kaibigan o kasintahan—o kaya naman may iba pang motibasyon o motibo.

Ayon nga kay Fritz, MD, simbang tabi—simbang tabi kasama ang jowa, simbang kain sa tabi, o kaya naman ay tabi-tabing harutan sa labas ng simbahan.

Ngayong papalapit na ang Kapaskuhan, laging tandaan at isapuso ang tunay na diwa nito—pagpapala, pagmamahalan, at pagbibigayan.

Vincent Gutierrez/BALITA