December 13, 2025

Home FEATURES

ALAMIN: Christmas gift ideas na may silbi sa reregaluhan mo

ALAMIN: Christmas gift ideas na may silbi sa reregaluhan mo
Photo courtesy: Unsplash


Tuwing Christmas party, hindi mawawala sa eksena ang mga taong inis at dismayado sa mga natanggap nilang regalo, lalo kung hindi nasunod ang gusto nilang makuha.

Kaya minsan, iniiba na nila ang paraan ng pagpapalitan ng regalo. Nandiyan ang Dirty Santa, Gift Grabbing, at money envelope.

Siyempre, hindi mawawala ang isa sa mga pinaka-paborito ng lahat, ang Monito Monita. Kakaiba kasi ito sa paraan ng pagpapalitan ng regalo sapagkat nagbibigay ito ng “thrill” at “excitement” para sa mga kalahok.

KAUGNAY NA BALITA: ALAMIN: Ano ang 'Monito Monita’ at paano ito ginagawa?-Balita

Pero kahit ano pa man ang paraan ng pakikipag-exchange gift, narito ang ilan sa mga Christmas gift ideas na tiyak magagamit ng taong pagbibigyan mo at talaga namang malaki ang maitutulong sa kaniya.

Ayon sa The Everymom at Explained PH, narito ang ilan sa mga pinakamagandang regalo na tiyak makatutulong para sa kaniya:

1. Damit

Sino ba naman ang tatanggi kung reregaluhan ka ng isang damit?

Maliban kasi sa isa itong pangangailangan, maganda rin itong iregalo sapagkat nakakadagdag ito ng kumpiyansa sa sarili.

Huwag lang magkakamali sa sukat at tiyaking swak ito sa panlasa ng pagreregaluhan nang sa gayon ay mas lalo itong magustuhan ng pagbibigyan.

2. Personal necessities

Ito ang tiyak na magagamit ng isang tao kung sakaling ganitong uri ang ireregalo mo.

Nandiyan ang tumbler, na lagayan ng tubig para sa mga estudyante o trabahador. Nandiyan din ang tuwalya, na magagamit at praktikal para sa pansariling kalinisan.

Swak din ang pagreregalo ng kumot, kobre kama, at mga punda sapagkat ito ay mahalaga ring kagamitan sa tahanan.

3. Kitchen necessities

Klasiko na siguro kung maituturing na panregalong pampasko ang ilang gamit na pang-kusina tulad ng tasa, mangkok, baso, at iba pa.

Ngunit kung iisipin, talaga namang mapapakinabangan ang mga ito, kung kaya’t isa ito sa mga regalong pang-masa na tiyak pasok din sa budget.

Idagdag mo pa na masyadong “hospitable” ang mga Pilipino, kung kaya’t siguradong magagamit ang mga ito kapag may mga bisitang darating.

4. Libro

Kung bookworm ang reregaluhan, tiyak abot-langit ang tuwa nito kung bibigyan mo siya ng isang libro.

Mainam ang pagreregalo ng libro sapagkat isa itong materyal na makatutulong sa isang tao upang mahubog ang kaniyang kaisipan, at magkaroon ng mas malalim na pang-unawa at kaalaman sa iba’t ibang bagay.

Alamin lamang kung ano ang hilig ng pagreregaluhan—komiks, almanac, thesaurus, dictionary, encyclopedia, atlas—nang lalo niyang magustuhan ang iyong regalo.

5. Gadgets

Sa modernong panahon ngayon, talaga namang halos lahat ay nagagawa na gamit ang mga gadgets.

Liban sa paglilibang, nagagawa na ring mag-aral sa mga selpon at kompyuter. Makabago na rin ang paraan ng pagpapalawig ng negosyo, sa paraan ng online selling at delivery—gamit ang mga gadget.

Hindi naman lahat ng gadget ay mamahalin, lalo kung iisipin mo ang kapakinabangan nito. Tiyak may mga swak pa rin sa budget pero talaga namang mapapakinabangan ng pagbibigyan mo.

Ano pa man ang handog na regalo para sa minamahal na kapamilya, kasintahan, kaibigan, o kanino man, ang mahalaga ay bukal sa loob ang pagbibigay ng regalo, na sinamahan ng malasakit at pagmamahal.

Vincent Gutierrez/BALITA