Mabilis na nakalusot sa plenaryo ng Senado ang panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP) nitong Huwebes, Nobyembre 27, 2025, matapos itong aprobahan sa loob lamang ng mahigit apat na minuto.
Agad na inaprubahan ang pondo ng OVP nang walang anumang tanong mula sa mga senador, bilang pagtalima sa parliamentary courtesy na ibinibigay sa isang co-equal branch ng gobyerno.
Si Senador JV Ejercito ang naghain ng mosyon para sa pag-apruba, at walang sinumang tumutol.
Bago pa man pagtibayin ang badyet, tumayo si Senador Robinhood Padilla—na kilalang kaalyado ni Duterte—upang ipahayag ang kaniyang suporta sa panukalang pondo ng OVP.
Ani Padilla, “Ako po ay natutuwa sapagkat dito sa ating bulwagan ay atin pong hindi binawasan ang budget ng ating Pangalawang Pangulo bagkus ay dinagdagan. Sapagkat alam niyo po, sa akin pong karanasan sa tuwing may darating na kalamidad, kalungkutan, kamatayan ay nandyan po lagi ang ating Pangalawang Pangulo upang makiramay, tumulong—kahit saan pong lupalop sa Pilipinas makikita po natin ang opisina ng Pangalawang Pangulo.”
Ang panukalang 2026 budget ng OVP ay nagkakahalaga ng ₱889 milyon. Matatandaang nauna nang inaprubahan ng House of Representatives ang mas mababang alokasyon na ₱733.2 milyon.
Dumalo mismo si Vice President Sara Duterte sa sesyon ng Senado habang tinalakay ang badyet ng kanyang tanggapan.
Samantala, noong Miyerkules, Nobyembre 26 nang paspasang aprubahan ng Senado ang budget ng Office of the President nang kanselahin din nila ang interpillation bunsod ng parliamentary courtesy.
Maki-Balita: ₱27B pondo ng Office of the President, paspasang inaprubahan ng Senado