Isinailalim na umano sa lockdown ang White House matapos barilin ang dalawang miyembro ng US National Guard sa Washington noong Miyerkules, Nobyembre 26, 2026.
Napag-alamang, dalawang miyembro ng West Virginia National Guard, na nakatalaga sa Washington ang binaril, ilang bloke lamang mula sa White House sa isang lantaran at marahas na pag-atake na inilarawan ng alkalde bilang isang “targeted attack.”
Ayon kina FBI Director Kash Patel at Washington Mayor Muriel Bowser, ang dalawang biktima ay dinala sa ospital at nasa kritikal na kondisyon.
Ang bihirang insidente ng pamamaril laban sa mga miyembro ng National Guard, isang araw bago ang Thanksgiving, ay naganap sa gitna ng patuloy na diskusyon at mga legal na pagtatalo tungkol sa presensya ng militar sa Washington at iba pang lungsod—isang isyu na naging sentro ng mga debate hinggil sa paggamit ng administrasyong Trump sa militar para labanan ang itinuturing nitong lumalalang problema sa krimen.
Ayon sa isang opisyal ng law enforcement na tumangging pangalanan dahil wala siyang awtoridad na magsalita nang publiko, ang suspek na nasa kustodiya ay tinamaan din ng bala ngunit hindi umano kritikal ang mga sugat nito.