May buwelta si Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro kay dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co, patungkol sa bagong video statement na inilabas nito, na kumakaladkad naman kay presidential son, House Majority Leader, at Ilocos Norte 1st District Rep. Sandro Marcos.
Ayon kay Co, umano'y may ₱50.938 billion insertions ang kongresista sa national budget, hindi lamang ang amang si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos, Jr. at tiyuhing si Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez.
“Hindi lang po ang Pangulo ang may insertions sa budget pati po si Congressman Sandro Marcos, mayroon din pong pinapasok taon-taon. Noong 2023, may ₱9.636 billion, noong 2024 [ay] ₱20.173 billion, at nitong 2025 [ay] ₱21.127 billion. Lahat-lahat, ang kabuuan ay ₱50.938 billion,” pasabog ni Co sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 25, 2025.
Bagay na pinabulaanan naman ni Rep. Sandro, sa pamamagitan ng opisyal na Facebook post.
"Anyone can sit in front of a camera from abroad and spew lies. The statements from the newly crowned champion of the DDS cabal, former Congressman Zaldy Co, are frankly as fantastical as they are false,” pagsisimula niya.
Ani Sandro, hindi raw dapat paniwalaan ng publiko si Co dahil ang tanging interes lamang umano nito ay magsulong ng destabilisasyon sa gobyerno.
“I hope that the public can be reminded that we are talking of a person with no credibility whose vested interests are to release these videos to destabilize the government,” aniya.
Dagdag pa niya, “This is someone who our kababayan's know to be the architect of this mess yet continues to insult their intelligence by saying 'wala siyang nakuha'.”
Kaugnay na Balita: Sandro Marcos sa alegasyon ni Zaldy Co: 'Gustong pabagsakin administrasyon para maabsuwelto!'
Sa press briefing ng Palasyo nitong Miyerkules, Nobyembre 26, agad na natanong si Castro kung ano raw ang reaksiyon ni PBBM sa mga naging rebelasyon ni Co.
Ayon sa spox, nagbigay na raw ng denial statement tungkol dito ang anak ni PBBM at ito raw ay kasinungalingan, ayon sa kaniya. Nagbigay naman siya ng payo kay Co na tapusin na niya ang lahat ng mga dapat niyang sabihin sa isang video na lang.
"Mas maganda po siguro na tapusin na muna, kung siya man po ang nagsasalita, ni Zaldy Co ang kaniyang mga mensahe, ang kaniyang mga diumanong mga kuwento, mula video 1, 2, 3, hanggang video 4 and 5, madaling mag-iba ang kaniyang hairstyle, kaya tuwing nakikita natin, at masasabi natin ang mga inconsistencies, maaaring magbago rin siya ng kuwento," aniya.
Dagdag pa niya, "So dapat matapos muna ang lahat ng kaniyang mga sinasalaysay, dahil sa tuwing mapupuna natin ang kaniyang mga inconsistencies, eh sumasabay po ang kaniyang pagbabago ng kuwento sa pagbabago ng hairstyle sa video."
Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Co hinggil sa patutsada ni Castro.