December 12, 2025

Home BALITA National

Sen. Chiz, bilib kay PBBM sa pagpapasampa ng kaso kina Romualdez, Co, atbp.

Sen. Chiz, bilib kay PBBM sa pagpapasampa ng kaso kina Romualdez, Co, atbp.
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT), Pangulong Bongbong Marcos (FB)

Pinuri ni dating Senate President Sen. Francis Joseph "Chiz" Escudero ang naging hakbang ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na pasampahan na ng kaso sina Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co, at iba pa kaugnay sa maanomalyang flood-control projects.

Ayon sa naging pahayag ni Escudero sa plenary session nila sa Senado noong Martes, Nobyembre 25, binati niya ang Pangulo dahil sa hindi raw nito pagsunod sa “script” umano ni Romualdez.

“Binabati ko po ang administrasyon na hindi sila sumunod o nagpadala sa anomang script o sarswela para magkaroon ng diversion at ilihis ang tunay na mga salarin,” pagsisimula niya.

Dagdag pa niya, “Tulad ng nasabi ko po noong ako ay una at huling tumayo dito sa Senado.”

National

Middle forces, Marcos bloc kailangang magkaisa para 'di manalo Duterte bloc sa 2028—Antonio Trillanes

MAKI-BALITA: 'Huwag maniwala sa script!' Sen. Chiz, bumuwelta kay Rep. Romualdez bilang ‘ulo’ sa paglilimas ng kaban ng bayan.

Nagawa ring puriin ni Escudero ang Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pangunguna ni Sec. Vince Dizon dahil sa umano'y pagsunod nila sa ebidensya at utos ni PBBM laban kina Romualdez, Co, at iba pa.

“Dahil nga dito, sinampahan na sina Co, Romualdez, Alcantara, Bernardo, Hernandez, at iba pa,” paglilinaw pa niya.

Ani Escudero, batid daw niyang hindi naging madali kay PBBM ang desisyon niyang pagpapasampa ng kaso lalo na’t dawit doon ang pinsan nitong si Romualdez.

“Subalit nais ko pa ring sabihin na binabati ko ang sigasig ng Pangulo na panagutin ang mga tunay na dapat managot at pagtutol niya sa anomang diversion dahil marami nang mga inosenteng tao ang nadadamay sa tangkang paglilihis na ito,” pagdidiin niya.

Anang Senador, dapat lang daw na magalit ang marami dahil sa umano’y korapsyon na talamak ngayon sa Pamahalaan at iba pang uri ng pang-aabuso.

“Dapat lang tayong magalit sa korapsyon at anomang uri ng pang-aabuso sa kapangyarihan subalit ‘wag tayong maging padalos-dalos sa paghusga, maging mapanuri tayo sa mga mema at nais lamang magpunla ng pagkakawatak-watak hindi lamang po natin dito sa Senado pero gayon din sa buong bansa,” ‘ika niya.

“Upang sa gayon maharap natin ang mas mabibigat pang problema na dapat kaharapin ng ating bansa kaugnay sa ekonomiya at pagbibigay ng mas magandang kalidad ng buhay sa mas marami sa ating mga kababayan,” pagtatapos pa niya.

Matatandaang nagrekomendang sampahan ng mga kasong plunder, graft, at indirect bribery ang DPWH at Independent Commission for Infrastructure (ICI) sa Office of the Ombudsman (OM) laban kina Romualdez at Co.

MAKI-BALITA: DPWH, ICI nagrekomendang kasuhan ng graft, plunder, indirect bribery sina Romualdez, Co

Ayon ito sa naging personal na pagtungo nina Dizon at ICI member Rogelio “Babes” Singson sa tanggapan ng Ombudsman noong, Nobyembre 21, kung saan nagkaroon ang mga ahensya nila ng joint referral para sa mga nasabing kaso laban kina Romualdez at Co.

KAUGNAY NA BALITA: Konsensya ni Romualdez, malinis pa rin; ipinagkatiwala na kaso sa Ombudsman

KAUGNAY NA BALITA: 'Walang piyansa!' Zaldy Co, kinasuhan ng Ombudsman dahil sa flood control scam

Mc Vincent Mirabuna/Balita