Sa modernong panahon, hindi makukumpleto ang isang araw ng isang Pinoy nang hindi niya binubuksan ang kaniyang selpon o kompyuter.
Paano ba naman kasi, halos lahat ng kailangan ng isang tao ay online o digitized na.
Pag-aaral, literal na karamihan ng klase ay online na kung isinasagawa. Ang pagnenegosyo, madalas pinaaarangkada na rin sa paglilive selling.
E kahit paghahanap ng kaibigan, kasintahan o jowa, online at digital na rin yata! Tila hindi na nga siguro uso ang “organic encounter.”
Maugong ngayon ang katagang “Organic encounter,” ngunit ano nga ba ang kahulugan nito?
Kahulugan ng “Organic encounter”
Ayon sa Urban Dictionary, ang organic encounter ay isang karanasan kung saan ang isang tao ay nakakakilala ng isa pang indibidwal sa natural na paraan.
Sa madaling salita, hindi nito sakop ang impluwensya ng kung ano-anong apps, at hindi rin ito planado.
“An organic encounter is when you meet a person in real life by chance—like at a café, grocery store, gym, hospital, school, or during daily routines—instead of through apps, blind dates, or international matchmaking,” saad ng Urban Dictionary.
Ayon naman sa 8List PH, ito naman daw ay isang interaksyon na hindi inaasahan, malaya sa “pressure” ng pilit na pakikipagkilala.
Naglahad din sila ng ilan sa mga “lessons” na kayang ituro sa atin ng organic encounters.
1. Totoong buhay ang koneksyon.
Maganda ang nabubuong koneksyon sa organic encounter sapagkat ito ay nagpapakita ng “authenticity.”
Hindi uso sa organic encounters ang pagbabalat-kayo o pagpapanggap, sapagkat ito nga ay hindi inaasahan o pinaplano.
2. Ipinakikita nito ang halaga ng “courage” at “presence.”
Dahil nga labas ito sa konteksto ng online meetups o meetings, makikita mo sa organic encounters ang kahalagahan ng “showing up.”
Sa paraan ng organic encounters, matutunan mo ring makilala ang isang tao nang biglaan, nang hindi mo pinupuwersa ang iyong sarili, habang ipinakikita ang iyong tapang at presensya na kumilala ng isang tao sa iyong buhay.
3. Kinikilala nito ang iyong “truest self.”
Halimbawang may nakakilala sa’yo organically, tiyak wala ka nang oras para pa ibahin ang iyong personalidad.
Sa paraang ito, mas may kakayahan kang ipakilala ang tunay na ikaw sa naturang tao, na makapagbibigay sa inyo ng mas malalim na koneksyon at relasyon.
4. Ipinaalala sa iyo na hindi mo kailangang maghabol.
Ang pilit na paghahanap ng taong makilala sa online space ay nakakapagod, na kabaligtaran ng organic encounters.
Dito ay mas makikita mo ang halaga ng iyong sarili, sapagkat makikita mo na kusang darating ang mga taong nakatadhana mong makilala.
5. Hindi lang ito for “romantic purposes.”
Ang organic encounters ay hindi lamang sumasakop sa pakikipagjowa, puwede rin ito sa pakikipagkaibigan.
Madalas man ay naiuugnay ito sa pagkakaroon ng kasintahan, minsan ay nagreresulta rin ito sa pakikipagkilala mo sa taong magiging kaibigan mo pala sa pang-habangbuhay.
Kaya sa mundo na pinipilit ang pagkakaroon ng interaksyon, isipin din ang organic encounters, ang nagpapakita ng kahalagahan ng natural na koneksyon.
Vincent Gutierrez/BALITA