Tila hindi nagpapaapekto ang Double Bronze Medalist na si Karl Eldrew Yulo sa mga umano’y pagkukumpara ng publiko sa kaniya at sa kapatid niyang double gold medalist na si Carlos Yulo.
Ayon sa naging pagharap ni Eldrew sa press noong Lunes, Nobyembre 24, sa Marriott Grand Ballroom, Pasay City, sinabi niyang hindi na lang daw niya pinapansin ang mga ganoong pagkukumpara ng mga tao.
“Just ignore,” pagsisimula niya, “I mean just focus on your goal.”
Paglilinaw ni Eldrew, “You have different styles. You have different paths in life. So kung anoman ‘yong sinasabi ng ibang tao, I don’t care.”
Ani Eldrew, para lang daw nagsasalita sa bato ang mga tao sa pagkukumpara nila sa kaniya at sa kapatid nito.
“Sabi lang kayo nang sabi, I don’t care, parang ganoon lang. You’re just talking to a stone person,” aniya.
Ngunit inaamin din daw ni Eldrew na naaapektuhan siya minsan ng mga naturang pagkukumpara sa kaniya sa kuya niyang si Caloy.
“I admit that sometimes natatamaan ako pero, yeah, I don’t give a damn,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nag-uwi ng karangalan si Eldrew matapos makapagtala ng bronze medal sa floor exercise final ng 2025 3rd FIG Artistic Gymnastics Junior World Championships na ginanap noong Linggo, Nobyembre 23, sa Newport World Resorts sa Pasay City.
MAKI-BALITA: Karl Eldrew Yulo, nasungkit bronze medal sa Junior World Championships
Nanguna sa laban si Yang Lanbin ng China na may 13.833 puntos para sa ginto, habang pumangalawa naman ang Italyanong si Simone Speranza na nagtala ng 13.766 puntos. Nagtapos si Yulo sa ikatlong puwesto matapos makakuha ng 13.733 puntos.
Malaking bagay ito para kay Yulo na anim na buwang masinsinang nagsanay sa Japan sa ilalim ng coach na si Munehiro Kugimiya, na nagsilbing mentor at coach din ng kuyang si "Golden Boy" Carlos Yulo, na kauna-unahang atletang nakasungkot ng dalawang medalyang ginto sa Olympics, noong 2024 sa Paris.
Sa kabilang banda, pinakamalaking tagumpay ni Karl Eldrew ang bronze na ito sa ngayon habang patuloy niyang hinuhubog ang sarili sa artistic gymnastics.
MAKI-BALITA: Golden Boy ulit! Carlos Yulo, nasungkit ang ginto sa men's vault sa world championship!
Mc Vincent Mirabuna/Balita