December 14, 2025

Home BALITA National

'Di ako nakikipagnegosasyon sa kriminal!' PBBM binuking si Zaldy Co, namblackmail?

'Di ako nakikipagnegosasyon sa kriminal!' PBBM binuking si Zaldy Co, namblackmail?
Photo courtesy: Bongbong Marcos, Zaldy Co (FB)

Inihayag ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umabot na sa ₱12 bilyon ang kabuuang assets na na-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon laban sa mga opisyal at personalidad na umano’y sangkot sa katiwalian.

Kabilang sa mga na-freeze ang ₱4 bilyong halaga ng air assets ni Zaldy Co, 3,566 bank accounts, 198 insurance policies, 247 sasakyan, 178 real properties, at 16 e-wallets, ayon sa Pangulo, sa inilabas niyang video nitong Miyerkules, Nobyembre 26.

Kasunod nito, magsusumite na rin ang Infrastructure Cluster Investigation (ICI) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng ebidensiya sa Office of the Ombudsman para sa rekomendasyon ng plunder, anti-graft, bribery, at conflict of interest laban sa walong kongresistang may-ari ng construction companies na umano’y nakinabang sa mga proyekto ng gobyerno.

Sa kaniyang pahayag, nilinaw ni Marcos na hindi siya kailanman makikipag-“negosasyon sa kriminal.” Aniya, kahit anong video ang ilabas ni Zaldy Co, hindi ito makakapigil sa pagkansela ng kaniyang passport.

National

Sen. Robin, 'di na trip tumakbo sa Halalan 2028

"Nilapitan po kami ng abogado ni Zaldy Co, at nagtatangkang mamblackmail, na kung hindi po namin kakanselahin daw ang passport niya, hindi na raw siya maglalabas ng video. I do not negotiate with criminals," aniya sa video.

Iginiit pa ito ng Pangulo sa caption ng post.

"At malinaw ang aking posisyon, hindi ako nakikipag-negosasyon sa kriminal. Kahit anong video ang ilabas ni Zaldy Co, makakansela pa rin ang passport niya. Walang makakatakas sa hustisya."

"Tuloy ang trabaho. Tuloy ang paglilinis. Para sa pera ng bayan, para sa taong bayan," aniya.

Matatandaang muling naglabas ng video statement si Co, na sa pagkakataong ito, dinawit ang presidential son na si Ilocos Norte 1st District Representative at House Majority Leader Sandro Marcos, sa budget insertions.

“Hindi lang po ang Pangulo ang may insertions sa budget pati po si Congressman Sandro Marcos, mayroon din pong pinapasok taon-taon. Noong 2023, may ₱9.636 billion, noong 2024 [ay] ₱20.173 billion, at nitong 2025 [ay] ₱21.127 billion. Lahat-lahat, ang kabuuan ay ₱50.938 billion,” pasabog ni Co sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 25, 2025.

Bagay na pinabulaanan naman ni Rep. Sandro, sa pamamagitan ng opisyal na Facebook post.

"Anyone can sit in front of a camera from abroad and spew lies. The statements from the newly crowned champion of the DDS cabal, former Congressman Zaldy Co, are frankly as fantastical as they are false,” aniya.

Kaugnay na Balita: 'Sumasabay pagbabago ng kuwento sa pagbabago ng hairstyle niya!' banat ni Claire Castro kay Zaldy Co