December 12, 2025

Home FEATURES Human-Interest

#BalitaExclusives: ‘Diwa ng Pasko!’ Mga batang 'di nagdamot sa isa't isa, kinaantigan ng netizens

#BalitaExclusives: ‘Diwa ng Pasko!’ Mga batang 'di nagdamot sa isa't isa, kinaantigan ng netizens
Photo courtesy: Abby Licu (TikTok)

“Ate Abby, ba’t lagi n’yo po kaming tinutulungan?” Sabi ko naman, hindi naman ‘yan galing sa akin, may nagpapaabot lang sa inyo.

Kahit hindi na pagbatayan ang sandamakmak na mga pag-aaral na magpapatunay sa diwa at saya ng Pasko sa Pilipinas, tiyak na maituturing ng bawat Pilipino maging sa sarili nila na lagi’t laging may espesyal na bahagi sa kanila ang selebrasyon ng kapanganakan ni Hesus.

Dahil madalas, nagsisilbi itong simulain sa musmos na bersyon ng pagkatao ng bawat isa para matutuhan ang maging mapagbigay sa kapuwa.

Sa simpleng mga pamasko o regalong natatanggap ng mga paslit tuwing Pasko, tiyak na makikita mo ang mga ngiti at busilak na kasiyahan ng mga bata.

Human-Interest

#BalitaExclusives: Anak na nilibre mga magulang niya sa abroad, hinangaan ng netizens

Higit sa lahat, hindi mawawala ang samahan ng mga magkakaibigang may dalang lata na lalagyan ng gatas, pangalansing mula sa mga pinitpit na tansan, at mga ngiti para mangarolling sa bawat bahay na maispatan.

At sa simpleng kulturang ito ng mga mumunting anghel bago sumapit ang Pasko, maraming mga kuwentong masasaksihan at mapupulutan ng aral.

Kagaya sa kuwento ng mga magkakaibigang bata na pumukaw sa atensyon ng netizens sa TikTok mula sa uploader na si Abby Licu.

Photo courtesy: Abby Licu (TikTok)

Photo courtesy: Abby Licu (TikTok)

Tila naantig ang netizens sa hindi pagiging madamot ng bawat bata sa isa’t isa at para raw silang bumalik sa pagiging paslit na nangangaroling din noon.

“Akala ko patay na diwa ng pasko, nasa mga bata pa pala.”

“To be this kind of kids (lalo yung naka black) . Sana mas marami pang Parents ang magpalaki ng mga bata na tulad nila”

“I miss my era noong nangangarolling din kami kakamiss subra nakikita ko nakaraan ko sa mga batang to”

“Ganyan din kmi dati naalala ko yung kinita nman pangangaroling diretso kmi s pantalan para mag coffee nkkmiss lng time na sobrang bta pa tlga”

Samantala, sa eksklusibong panayam ng Balita kay Abby Licu, TikTok uploader, nitong Miyerkules, Nobyembre 26, ibinahagi niya ang kuwento sa likod ng nag-viral na video.

Ayon kay Abby, sina JV, Kyle, Kelly, Dandan, at Aron ang naturang mga batang nakita sa video.

“Gabi-gabi kasi may mga bata talagang nagka-carolling dito, madami sila, siguro nasa 4-5 groups. Noong una, hinayaan ko lang sila, tapos habang nagpo-phone ako, nakita ko silang nakaupo sa sahig nagbibilangan ng pera,” pagsisimula ni Abby.

Dagdag pa niya, “Napansin ko ang tahimik nila, hindi sila ‘yong mga batang nag-aagawan or maiingay. Kaya inopen ko ‘yong video ko tapos tinanong ko sila kung nakamagkano na.”

Ani Abby, sinubukan daw niyang manghingi sa mga bata ng limampiso (₱5) para tingnan kung magbibigay ang mga bata at nagulat daw siya nang hindi magdamot ang batang si JV.

“Sinubukan ko din maghingi ng 5 pesos. Gusto ko kasing makita ‘yong reaction nila na ako pa ‘yong nanghihingi. No’ng una, ngiti-ngiti lang sila tapos biglang tumayo si JV. Binigay n’ya sa ‘kin ‘yong 5 pesos. Na-touched ako kaya binalik ko tapos binigyan ko pa sila ng 20 pesos,” pagkukuwento niya.

“Pagkatapos no’n, bumalik sila.Nagkakape na sila, no’ng bumili sila ng tinapay natuwa na naman ako kasi ang cute nila talagang tingnan at ang gagalang pa. Para may pagsawsaw sila sa kape, binigyan ko na lang din sila tag-iisang tinapay,” saad pa niya.

Pagbabahagi pa ni Abby, tila naantig at naramdaman daw niya ang pagbalik sa pagkabata dahil sa nasaksihan sa mga musmos na nangangaroling.

Matapos na maging viral ng naturang video ni Abby, marami rin daw na netizens ang nagpaabot ng papasko sa mga bata.

“May mga nagpaabot na po ng pamasko sa kanila. May nagbigay ng ₱200 tapos sumunod ₱3K, tas ₱1K. Napaghatihatian nila ‘yan binigyan ko sila ng ₱840 kada-isa. Tapos no’ng sumunod na araw may nagbigay ulit ng ₱2K bilhan ko daw po sila ng Jollibee kaya ayon inorderan ko sila ng chicken spaghetti at fries tapos ‘yong sobrang ₱1K hinati-hati ko sa kanilang lima bali may tig ₱200 pesos each sila,” paglilinaw ni Abby.

Pagpapatuloy pa niya, nalaman din ng magulang ng mga nasabing bata na maraming ang naantig sa kuwento nila kaya lubos daw nagpapasalamat ang mga ito.

“‘Yong mga parents nila, sobrang grateful din kasi may mga nag-message sa akin at talagang proud sila dahil nag-viral mga anak nila ng dahil sa pagiging mabait nila. ‘Yong mga bata din sobra-sobra silang magpasalamat,” ayon kay Abby.

“Nagtanong sila sakin ‘Ate Abby ba’t lagi n’yo po kaming tinutulungan?’ Sabi ko naman, hindi naman ‘yan galing sa akin, may nagpapaabot lang sa inyo,” pagtatapos pa niya.

Sa ngayon, umabot na sa 865k views at mahigit 100k heart reactions ang naturang video ng mga bata.

Ang punto, hindi ba’t anong sayang alalahaning minsan ka ring naging musmos noon at nag-abang sa pagsapit ng Pasko?

Kumanta ng bawat pamaskong awitin, suyurin ang bawat lansangan para makapangaroling, mahabol ng aso, matakot sa multo, magbahagihan ng mga baryang nalikom, at magbigayan sa isa’t isa.

Mc Vincent Mirabuna/Balita