Ibinida ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na umabot na sa ₱12 bilyon ang kabuuang assets na na-freeze ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) sa gitna ng nagpapatuloy na imbestigasyon laban sa mga opisyal at personalidad na umano’y sangkot sa katiwalian.
Kabilang sa mga na-freeze ang ₱4 bilyong halaga ng air assets ni Zaldy Co, 3,566 bank accounts, 198 insurance policies, 247 sasakyan, 178 real properties, at 16 e-wallets, ayon sa Pangulo.
Kasunod nito, magsusumite na rin ang Infrastructure Cluster Investigation (ICI) at ang Department of Public Works and Highways (DPWH) ng ebidensiya sa Office of the Ombudsman para sa rekomendasyon ng plunder, anti-graft, bribery, at conflict of interest laban sa walong kongresistang may-ari ng construction companies na umano’y nakinabang sa mga proyekto ng gobyerno.
Sa kaniyang pahayag, nilinaw ni PBBM na hindi siya kailanman makikipag-“negosasyon sa kriminal" matapos niyang sabihing nilapitan daw sila ng abogado ni Zaldy Co para mamblackmail.
"Nilapitan po kami ng abogado ni Zaldy Co, at nagtatangkang mamblackmail, na kung hindi po namin kakanselahin daw ang passport niya, hindi na raw siya maglalabas ng video. I do not negotiate with criminals," aniya sa video.
Kaugnay na Balita: 'Di ako nakikipagnegosasyon sa kriminal!' PBBM binuking si Zaldy Co, namblackmail?
Aniya, kahit anong video ang ilabas ni Zaldy Co, hindi ito makakapigil sa pagkansela ng kanyang passport.
“Walang makakatakas sa hustisya. Tuloy ang trabaho. Tuloy ang paglilinis. Para sa pera ng bayan, para sa taong bayan,” diin ng Pangulo.