Idiniin sa publiko ni Ilocos Norte 1st District Representative at House Majority Leader Ferdinand Alexander "Sandro" Marcos na hindi isang “journalist” at “truth crusader” si dating Ako Bicol Partlist Rep. Zaldy Co kundi isa umanong kriminal.
Kaugnay ito sa inilabas na bagong video statement ni Co nitong Martes, Nobyembre 25, kung saan isiniwalat niyang mayroon din daw umanong ₱50.938 billion insertions si Sandro.
“Hindi lang po ang Pangulo ang may insertions sa budget pati po si Congressman Sandro Marcos, mayroon din pong pinapasok taon-taon. Noong 2023, may ₱9.636 billion, noong 2024 [ay] ₱20.173 billion, at nitong 2025 [ay] ₱21.127 billion. Lahat-lahat, ang kabuuan ay ₱50.938 billion,” pagsisiwalat ni Co sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 25, 2025.
MAKI-BALITA: Sandro Marcos sa alegasyon ni Zaldy Co: 'Gustong pabagsakin administrasyon para maabsuwelto!'
Buwelta naman ni Sandro sa kaniyang pahayag nito ring Martes, nagsiwalat din siyang may kaugnayan na umano si Co sa mga indibidwal na makikinabang sa isinusulong nitong “destabilisasyon.”
“In fact, the intel suggests he already struck a deal with those who stand to benefit from such a change,” pagdidiin niya.
Ani Sandro, natanggal daw noon si Co sa Kongreso dahil may nakahuli sa ginagawa niyang “korapsyon.”
“Congress is a collegial body and decisions are made through a process of election. Zaldy Co was removed as appropriations chairman because members caught wind of his insatiable greed and corruption. Not because of the whim of any individual. The 'sagasa' that he orchestrated in certain districts such as Bulacan and other municipalities speak for themselves,” paglilinaw niya.
Pagpapatuloy ni Sandro, nagawa pa niyang ipukpok sa publiko na si Co ay isa umanong “kriminal na umiiwas sa hustisya.”
“Sa aking mga kababayan, si Zaldy Co ay hindi po isang journalist o truth crusader. Siya po ay isang kriminal na umiiwas sa hustisya. Huwag po tayong magpabudol sa kanya,” giit niya.
“Hindi ito rebelasyon, ito ay destabilisasyon,” pagtatapos pa ni Sandro.
Samantala, wala pang inilalabas na bagong pahayag si Co kaugnay rito.
MAKI-BALITA: Zaldy Co, face-to-face sinabihang 'wag pakialaman, pigilan sa budget insertions ni PBBM?
MAKI-BALITA: 'Sinabi mismo ni Speaker Martin Romualdez sa akin na hati sila ni PBBM sa perang iyon'—Zaldy Co
Mc Vincent Mirabuna/Balita