Direkta umanong sinabihan si dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos, Jr., na huwag daw niyang pakialaman ang Pangulo sa mga diumano’y budget insertion nito noon.
Ayon sa bagong video statement na inilabas ni Zaldy Co sa kaniyang Facebook post nitong Martes, Nobyembre 25, sinabi niyang nagkaroon daw sila ng pagpupulong ng Pangulo noong Marso 2025.
“Si Usec. Jojo Cadiz ang nag-ayos ng meeting namin noong March 2025 sa 1201 Aguados St. tapat ng Malacañang, gate 4,” pagsisimula niya.
Ani Co, hindi raw kumalma si PBBM noon at sabay daw silang pinagsabihang dalawa kasama si Leyte Representative at dating House Speaker Martin Romualdez.
“Pero sa halip na kumalma ang Pangulo, lalo lang siyang nagalit. Sa halip na itanggi o linawin niya ang tungkol sa ₱100 billion insertion, pinagsabihan niya kami ni dating Speaker Romualdez,” pagkukuwento ni Co.
Dagdag pa ni Co, direkta raw siyang pinagsabihan ng Pangulo na huwag makialam sa mga budgets insertions na ginagawa nito.
“At sa akin mismo, diretsahan niyang sinabi, ‘wag mo akong pigilan sa mga insertions ko. H’wag ka nang makialam sa budget,’” ayon kay Co.
“Dahil sa mga binitawang salita sa akin ni BBM naging malinaw sa akin na siya mismo ang nag-utos kina Sec. Amenah Pangandaman at Usec. Adrian Bersamin na ipasok ang ₱100 billion pesos worth of projects,” pagdidiin pa niya.
Matatandaang nauna na ring magsiwalat ni Co tungkol sa sinabi umano sa kaniya ni Romualdez na hati raw ito at si PBBM sa mga perang inihatid ng mga tauhan niya noon sa mga ito.
MAKI-BALITA: 'Sinabi mismo ni Speaker Martin Romualdez sa akin na hati sila ni PBBM sa perang iyon'—Zaldy Co
“Lahat ng ito, mula sa unang utos noong 2022 hanggang sa huling delivery noong 2025. Umabot sa mahigit ₱55 billion plus ang naihatid sa bahay ni dating Speaker Martin Romualdez…” saad ni Co sa kaniyang video statement sa Facebook post niya noong Lunes, Nobyembre 24, 2025.
Bukod pa rito, isiniwalat din ni Co sa patura niyang video na mayroon pa raw silang kabuuang ₱56 billion na inihatid kina Romualdez at PBBM bukod sa nauna na niyang isiniwalat na ₱100 billion insertion noon at ₱97 billion insertion ng mga nabanggit sa National Expenditure Program (NEP) national budget.
“Ang totoo, mula 2022 hanggang 2025, ang kabuuang pera na dumaan sa akin para ibigay kay Pangulong Bongbong Marcos at dating Speaker Martin Romualdez ay umabot sa ₱56 billion at hiwalay pa diyan ang ₱100 billion insertion ng Pangulo sa 2025 budget. Pati na rin ang ₱97 billion flood-control insertion na inilagay sa NEP ng 2026 national budget,” pagtatapos pa ni Co.
MAKI-BALITA: Pasabog ni Zaldy Co: 'Papalabasing ako'y terorista sa loob at labas ng bansa para ilibing katotohanan’
MAKI-BALITA: Zaldy Co, nanlaglag na? PBBM, nag-utos umano na mag-insert ng ₱100B sa 2025 budget
Mc Vincent Mirabuna/Balita