December 16, 2025

Home BALITA National

‘Walang puwang ang panggagahasa, pagnanakaw sa loob ng PNP!’–NAPOLCOM

‘Walang puwang ang panggagahasa, pagnanakaw sa loob ng PNP!’–NAPOLCOM
Photo courtesy: NAPOLCOM/FB

Nagbigay ng pahayag ang National Police Commission (NAPOLCOM) na hindi nito kukunsintihin ang anumang uri ng pang-aabuso matapos na sampahan ng kasong administratibo ang mga sangkot na pulis sa umano’y insidente ng robbery-rape sa Bacoor, Cavite, sa isang 18-anyos na babae.

Ang mga reklamo ay inihain nitong Martes, Nobyembre 25, 2025 sa NAPOLCOM Central Office sa Quezon City laban sa mga miyembro ng Philippine National Police Drug Enforcement Group–Special Operations Unit (PDEG-SOU) 4A na inireklamo ng isang nagngangalang alyas "Nena" ng pagnanakaw at panghahalay.

Ayon kay NAPOLCOM Chief Commissioner Ralph Calinisan, titiyakin ng komisyon na mananagot ang mga pulis na sangkot sa nabanggit na insidente.

“Harap-harapan ko nang sinasabi: walang puwang ang panggagahasa, walang puwang ang pagnanakaw sa loob ng Philippine National Police. You will contend with the National Police Commission. Walang puwang ang ganitong klaseng pulis sa ating mga hanay,” mariing pahayag ni Calinisan.

National

Christmas break, magsisimula na sa Disyembre 20—DepEd

Dagdag pa niya, mahalagang mapanatili ang tiwala ng publiko sa mga institusyon.

“The people need to trust in institutions, the NAPOLCOM is there for you. Ang pulis ng pulis ay ang NAPOLCOM. Pwedeng magsumbong ang kahit sinong biktima,” aniya.

Samantala, pinuri rin ng komisyon ang mabilis na aksyon ng Bacoor City Police, sa pangunguna ni PLTCOL Alexie A. Desamito, kasama ang PRO4A Regional Director PBGEN Paul Kenneth T. Lucas, Cavite Provincial Director PCOL Ariel R. Red, Regional Intelligence Division, Regional Headquarters Support Unit, at Regional Mobile Force Battalion, para sa mabilis na pag-aresto sa walo sa 14 na pulis na iniimbestigahan.

Tiniyak naman ng NAPOLCOM na mananatili itong matatag sa pagtupad ng hustisya at pagpapanagot sa sinumang opisyal ng pulisya na lalabag sa batas at sa tiwala ng taong-bayan.

Ayon sa testimonya ni Nena, bigla na lamang daw umanong pinasok ng mga pulis ang kanilang bahay noong Sabado, Nobyembre 22 habang tinutugis umano ang kaniyang boyfriend sa isang “buy-bust” operation.

Pero ayon umano sa imbestigasyon, lumabas na wala ring anumang dokumentadong operasyon, koordinasyon, o awtorisasyon ang grupo noong oras ng insidente.

Maki-Balita: 'Mananagot dapat managot!' 14 pulis na inireklamo ng pagnanakaw, panghahalay sa tinedyer, kinasuhan na!