Nakatakda umanong maghain ng motion for reconsideration si dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque kontra sa pagkansela ng Korte sa kaniyang pasaporte.
Ayon sa inilabas na video statement ni Roque sa kaniyang Facebook post noong Lunes, Nobyembre 24, sa The Hague, Netherlands, ipinaliwanag niyang hindi pa raw pinal na kanselado ang pasaporte niya at mayroon siyang 15 bilang ng mga araw para mag-file ng motion for reconsideration.
“Hindi pa po pinal ‘yan. Kaya nga po ako’y nagtataka kung bakit lahat sila’y nagsasabi na kanselado na ang passport ko,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Mayroon pa po akong kinse (15) araw para mag-file ng motion for reconsideration at magpa-file po ako…”
Sa tingin umano ni Roque, mali raw ang “reasoning” ng hukuman sa pagsasabing wala siyang balidong dahilan para umalis ng bansa at pag-iwas sa hurisdiksyon ng Korte laban sa kaniya.
“Kasi sa tingin ko, mali po ‘yong reasoning ng hukuman. Ang sabi niya, ako daw, kahit hindi ako tumakas dahil sa pagsampa ng kaso sa akin, wala naman daw ako sa Pilipinas at walang balidong dahilan,” aniya.
“Ang right to seek asylum, ‘yan po ay isang karapatang pantao. ‘Yan po ay kinikilala sa International Covenant on Civil and Political Rights, kinikilala po ‘yan sa Universal Declaration of Human Rights, at kinikilala po ‘yan sa Convention on the Rights of Refugees and Asylum Seeker,” depensa pa niya.
Paliwanag pa niya, nakahingi na raw siya noon pang Marso 19, 2025, ng asylum sa nasabing bansa sa dahilang ayaw niyang maging “undocumented alien subjected to immediate summary deportation.”
Matatandaang iginiit ni din ni Roque na panggigipit umano sa kaniya ang dahilan sa pagkakansela ng Korte sa kaniyang pasaporte.
“‘Yan po ay panggigipit sa akin dahil wala pong ebidensya na ako ay nag-recruit ng kahit sino para pagsamantalahan ang kanilang trabaho Wala rin pong ipinakitang ebidensya na ako po’y nakikipagsabwatan sa ganiyang pag-recruitment,” saad niya sa parehong video statement niya noon ding Lunes, Nobyembre 24, 2025.
MAKI-BALITA: Harry Roque sa pagkansela ng Korte sa kaniyang pasaporte: 'Iyan ay panggigipit sa akin'
Kaugnay nito, matatandaang opisyal nang kinansela ng Pasig City Regional Trial Court ang pasaporte nina Roque, Katherine Cassandra Li Ong, mga ehekutibo ng Technology Resource Center na sina Dennis Cunanan, Ronelyn Baterna, at Mercides Macabasa noon ding Lunes, Nobyembre 24, 2025.
Nahaharap umano ang mga nabanggit na indibidwal sa kasong human trafficking na may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operator (Pogo) hub Lucky South 99 at Whirlwind Corporation.
MAKI-BALITA: DOJ, handang magbigay ng ₱1M pabuya sa makakakapagturo kay Cassandra Ong
MAKI-BALITA: ‘At large na!’ Cassandra Ong, kumpirmadong wala na sa kulungan!—Sen. Gatchalian
Mc Vincent MIrabuna/Balita