Pinabulaanan ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang mga kumalat na balita ngayong Martes, Nobyembre 25, na umano’y nadampot o inaresto siya sa Netherlands.
Sa isang Facebook post na inilabas ngayong araw, iginiit ni Roque na walang katotohanan ang naturang mga ulat.
“There is no truth to the rumors that I have been arrested,” ani Roque sa kaniyang Facebook post.
Nilinaw rin ng dating opisyal na nakatakda ang kaniyang biyahe papuntang Vienna, Austria ngayong Martes.
“I have a scheduled flight to Vienna, Austria today, November 25.”
“Details to follow.”
Photo courtesy: Screenshot from Harry Roque/FB
Hindi pa nagbibigay ng karagdagang impormasyon si Roque hinggil sa dahilan ng kaniyang biyahe o kung saan nagmula ang kumalat na tsismis tungkol sa umano’y pag-aresto sa kaniya.
Matatandaang kamakailan lamang, inilabas na ang arrest warrant laban kay Roque laban sa umano'y kinahaharap na kasong qualified human trafficking na iniuugnay sa POGO.
Dahil dito, naglabas na rin ang korte ng kanselasyon ng kaniyang pasaporte.
Kaugnay na Balita: PH gov't., humiling ng Interpol red notice laban kay Harry Roque
Ayon naman sa paliwanag ni Roque, ipinaliwanag niyang hindi pa raw pinal na kanselado ang pasaporte niya at mayroon siyang 15 bilang ng mga araw para mag-file ng motion for reconsideration.
Kaugnay na Balita: Harry Roque sa pagkansela ng Korte sa kaniyang pasaporte: 'Iyan ay panggigipit sa akin'