December 12, 2025

Home BALITA Internasyonal

'One every 10 minutes:' Libo-libong kababaihan, pinapatay sa kanilang tahanan–UN

'One every 10 minutes:' Libo-libong kababaihan, pinapatay sa kanilang tahanan–UN
Photo courtesy: United Nations (FB), Unsplash

Umabot sa 50,000 ang bilang ng mga kababaihan na pinapatay sa kanilang tahanan taon-taon, ayon sa tala ng United Nations nitong Martes, Nobyembre 25. 

Bilang komemorasyon sa “International Day for the Elimination of Violence against Women,” ipinaliwanag ng United Nations Office on Drugs and Crime (UNODC) at UN Women na ang 60% o 50,000 bilang na ito ay nangangahulugang isa kada 10 minuto ang babaeng pinapatay ng kanilang partner o miyembro ng pamilya, noong 2024.

Habang 11% ang naitalang male homicide ng kanila ring partner o miyembro ng pamilya sa taon ding 2024. 

“The home remains a dangerous and sometimes lethal place for too many women and girls around the world,” saad ni UNODC acting Executive Director, John Brandolino. 

Internasyonal

Japan, niyanig ng magnitude 6.7 na lindol; tsunami advisory, inisyu

Idinagdag din niya ang pag-aaral na isinagawa nila ay nagsisilbing paalala na kinakailangan ng mga epektibong estratehiya para maiwasan at matugunan ang “femicide” o intensyonal na pagpatay sa kababaihan. 

“The 2025 femicide brief provides a stark reminder of the need for better prevention strategies and criminal justice responses to femicide, ones that account for the conditions that propagate this extreme form of violence,” dagdag pa ni Brandolino. 

Ayon naman kay UN Women’s Policy Division Director, Sarah Hendriks, ang femicide ay kadalasang nagsisimula sa mga pagbabanta at harassment. 

“Femicides don’t happen in isolation. They often sit on a continuum of violence that can start with controlling behaviour, threats, and harassment, including online,” ani Hendriks. 

Sa nasabi pang pag-aaral ng UN, laganap ang matinding dahas sa kababaihan sa iba’t ibang rehiyon sa mundo. 

Sa Africa, tinatayang 3% ng 100,000 female population nila ang nakararanas ng femicide; sinunanda naman ito sa rehiyon ng Amerika na 1.5%; sa Oceania naman ay 1.4%; sa Asya ay 0.7%; at sa Europa naman ay 0.5%. 

Sa kaugnay na ulat, nagsagawa ng “16 Days of Activism against Gender-Based Violence” ang UN Women sa ilalim ng kanilang inisyatibang “UNiTE to End Violence against Women,” mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 10. 

Ang kampanyang ito ay nakatuong sa digital violence sa mga kababaihan, kung saan kabilang dito ang online harassment, stalking, gendered disinformation, deep fakes, at non-consensual na pagbabahagi ng mga pribadong larawan. 

Sa pamamagitan rin ng 2025 UNiTE campaign, nananawagan ang UN Women sa mga pamahalaan, technology companies, at mga komunidad ng pangmatagalang pagtugon sa mga isyu na ito bilang pagsuporta sa karapatan ng kababaihan. 

Sean Antonio/BALITA